PNoy hinamon vs korapsiyon

HINAMON ng isang kaalyado si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na tuparin ang pangako nito noong halalan na kung walang korap, walang mahirap upang panumbalik ang pagtitiwala ng taumbayan sa administrasyon habang sumasadsad ang trust ratings nito.

Ganito ng pahiwatig ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa administrasyon matapos bumagsak ang Pilipinas sa isinagawang pagsusuri ng isang pandaigdigang organisasyon, ang 2010 Global Integrity Report, pagdating sa pamamahala at pagsugpo ng korapsiyon.

Sinabi ni Pangilinan na dapat maging hamon pa kay Pangulong Aquino ang naturang ulat, na very weak ratings ang nakuha ng Pilipinas, upang paigtingin ng administrasyon ang kampanya laban sa katiwalian at anomalya na siyang bumalot sa nakaraang poder.

“Dapat tiyakin lamang ngayon ni Pangulong Aquino na maipagpapatuloy ang kanyang mga pangako at nasimulan laban sa katiwalian,” giit ni Pangilinan.

Lumabas nitong Linggo ang 2010 Global Integrity Report, isang organisasyon na nakabase sa Washington D.C., na nagsasabing “masyadong mahina” pa ang kampanya ng administrasyong Aquino sa pagsugpo sa korapsiyon.

Ikinakatuwiran naman ng Palasyo noong 2010 na hindi masusugpo ang korapsiyon hanggang nasa poder pa ang mga taong sumasalungat sa adhikain ng pamahalaan na masugpo ang katiwalian tulad ni nagbitiw na Ombudsman Merceditas Gutierrez.

“Nanalo si PNoy dahil sawang-sawa na ang maraming Filipino sa mga katiwalian at anomalya ng mga opisyal ng nakaraang administrasyon kaya hindi dapat biguin ng kasalukuyang pamahalaan ang sambayanan sa puntong ito,” giit ni Pangilinan.

Naniniwala naman si Sen. Edgardo Angara na maisakatuparan lamang ang kampanya sa pagsugpo sa korapsiyon kung dadagdagan at paiigtingin pa ng administrasyon ang pagkilos laban sa katiwalian.

Aniya, magagawa lamang ito ni Pangulong Aquino kung magkakaroon ng matibay at kongkretong programang panlipunan at pulitikal upang masimulan ang proseso ng paglilinis sa mga illegal at hindi magandang gawain sa loob ng gobyerno.

“Dapat isulong kaagad ang mga social at political program na tutugon sa pangangailangan ng taumbayan at simulan mismo ng administrasyon ang paglilinis sa lahat ng illegal na gawain sa loob mismo ng pamahalaan,” giit ni Angara.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply