Mga Obispo binigyan ng bagsak na grado si PNoy

DAHIL nabigong tugunan ang mga problema ng bansa matupad ang mga pangakong binitawan noong panahon ng kampanya, binigyan ng mga Obispo at mga pari ng Simbahang Katoliko ng lagpak na grado si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.
Matapos ang isang taon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino, sinabi ni Basilan Bishop Martin Jumoad na lalo pang humirap ang buhay sa Basilan.
Hindi umano nila nararamdaman na may pagbabago sa kanilang lugar.
“Para sa akin, failure talaga ang Pangulo sa amin dito sa Basilan. Para sa akin na walang katotohanan ang sabi niya na pag walang korap, walang mahirap. He should reform himself,” anito.
Idinagdag pa ng Obispo: “The poor are becoming poorer at hindi ko rin ramdam ang mga improvement sa Basilan. I will give him 4 grade from 1 to 10.”

‘Overacting’
Nasa 55 porsiyento naman ang grado na ibinigay ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kay Pangulong Aquino dahil wala aniya siyang nakikitang sustainable program nito at ang kanyang laban sa korapsyon ay “overacting program” lamang.
Wala rin umano itong programa sa job creation at housing.  Gayundin ay wala umanong konkretong programa sa environment at hindi pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Extention and Reform (CARPER).
Naniniwala din si Pabillo na hindi “full-time president” si Pangulong Aquino dahil sa kawalan ng sinseridad, competence, at conviction, at hindi pakikinig sa hinaing ng mga mamamayan.

‘Dungis kina Cory, Ninoy’
Para naman kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, 65 porsiyento lamang ang grado na nararapat sa Pangulo dahil hindi nito tinupad ang kaniyang pangako na ang tao ang kanyang magiging “boss.”
“I’ll give him 65 percent. He hasn’t lived up to his words: Kayo ang boss ko.  Ang boss niya ay across the ocean. Number two, he won because of the Cory magic. Cory and Ninoy are heroes, a great blessing to the land. Alas! The son will soil the parent’s name,” ani Arguelles.
Nakakuha naman ng anim na puntos ang Pangulo mula kay Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo dahil umano sa hindi pakikinig sa boses ng karamihan.
Tumanggi namang magbigay ng grado si Caloocan Bishop Deogracias Iniguez dahil sa pagkadismaya niya sa mahinang governance nito.
“Walang grade ang Pangulong Aquino. Dismayado ako sa kanya. Bagsak ang performance niya sa paglaban sa corruption,” ayon kay Iniguez.
“Wala siyang ipinapakitang kapangyarihan sa pagdedesisyon sa kinakaharap na problema ng bansa. Mahina ang governance ng Pangulo dahil nakadepende lamang siya sa kanyang Gabinete, kaya puro palpak ang desisyon,”anito.

‘Trying hard’
Binigyan naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pangulo ng “singko” dahil sa pagiging “trying hard” umano nito.
“On the scale of 1 to 10, 5 lang ang grado niya for trying hard. Walang nangyari sa Truth Commission, Ang ‘kayo ang boss ko’ ay hindi totoo,” ani Cruz.
Nakapagtataka rin umano na ang Philippine National Police (PNP) ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga kaibigan ng Pangulo.
“Barkada Inc. ang umiiral sa Gabinete at no complete program sa mahihirap,” ayon sa Obispo.
Dismayado rin naman kay PNoy maging sina Father Joe Dizon ng Kontra-Daya at Solidarity Philippines at Father Pete Montellana ng Save Sierra Madre.
Ayon kay Dizon, napakabagal umano ng pagdating ng pagbabagong ipinangako ng Pangulo.

Mahihirapang mabawi
Nagbabala pa si Dizon na dapat maging maingat si Pangulong Aquino dahil sa laki ng tiwalang ibinigay sa kaniya ng taumbayan.
Idinagdag ng pari na kung mawawala ang tiwalang ito ay mahihirapan nang makabangon pa ang administrasyong Aquino.
“To be frank and honest, very disappointing. Disappointing,  lalo na yung pinangako sa ating mamamayan talagang magkakaroon ng genuine change yung daan sa pagbabago,” anito.
“Ang tingin ko dyan, mamomroblema dyan si PNoy kasi, alam mo ang mga Pilipino, ‘pag nagtiwala e talagang malalim at talagang kapag nagbigay ng pagkakataon, talagang very generous,” paliwanag ni Dizon.
Ngunit, aniya, “kapag nawala yung tiwala na ‘yun o bumagsak ay mahirap makabangon.”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply