PNoy sa PIATCO: Sa korte kayo magreklamo

SA KORTE kayo magreklamo.

Ito ang mistulang mensahe ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa pamunuan ng PIATCO na tumutuligsa sa inilabas na desisyon ng mababang korte na bayaran ang pamahalaan ng Pilipinas ng $175 milyon bilang danyos sa palpak na kontrata sa pagtatayo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ayon sa Pangulo, kung mayroong reklamo o kuwestyon ang pamunuan ng naturang kompanya ay malaya naman itong dumulog sa korte upang i-apela ang desisyon ng Pasay City Regional Trial Court (PCRTC) sa naturang danyos.

Inihayag din ng Pangulo ang kanyang kagalakan na sa wakas ay nagkaroon na ng desisyon hinggil dito sa hinaba-haba ng panahon na nasayang sanhi ng mabagal na pagkilos ng hustisya sa nakalipas na administrasyon.

Nilinaw pa ng Chief Executive na ang tunay na isyu rito ay hindi ang pagbabayad ng danyos kundi ang hindi pag-sunod ng PIATCO sa nilalaman ng terms and conditions ng kontrata na pinasok nito sa gobyerno ng Pilipinas sa pagpapatayo ng NAIA 3.

Magugunita na ilang bahagi ng NAIA 3 ang mabilis na nasira at nabulok sanhi ng mababang klase ng materyales na ginamit ng kontraktor ng PIATCO na naging dahilan upang kanselahin ang naturang kontrata at hingin na pagbayarin ang naturang kompanya ng multa sa bansang Pilipinas.

Idinagdag pa ng Punong Ehekutibo na ngayong nawala na ang legal na sagabal sa isyu ng NAIA 3 ay magtutuluy-tuloy na ang mga pagkukumpuni at pagsasaayos sa naturang paliparan upang tuluyan na itong mabuksan ng buo at mapalawig ang operasyon dito.

Sinabi pa ni Pangulong Aquino na nais pa rin niyang makatiyak kung sapat na ang hustisya na nakamit ng pamahalaan sa kaso ng PIATCO kung kaya’t inatasan na rin niya ang kanyang legal team na busisiin at pag-aralan ang ibinababang desisyon ng naturang korte.

“Pina-review ko ulit sa ating legal team. Nandiyan na ba ang lahat ng inaangkin natin? ‘Yong hindi natapos, reremedyuhin natin, ‘yong ire-repair natin,” deklara ni Pangulong Aquino.

Patuloy naman na nag-iingay ang PIATCO sa naturang kaganapan at ibinabando ang umano’y masamang karanasan sa pagnenegosyo sa Pilipinas. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply