Prangkisa ng mga bus sa Edsa pinababawi

MAHIGPIT na inatasan ng isang senador ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawiin ang prangkisa ng lahat ng bus na tumatakbo sa Edsa upang maisaayos ang sistema ng pampublikong transportasyon sa naturang ruta at maiwasan ang mga aksidente.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, dapat nang kumilos ang pamahalaan laban sa lumalalang sitwasyon ng trapiko sa Edsa at dumaraming bilang ng mga driver na lumalabag sa batas trapiko, na siyang nagreresulta sa mga aksidente.

“Dapat talaga i-revoke lahat (prangkisa) tapos. Ulitin from scratch,” ayon kay Sotto.

Sinabi pa ni Sotto na kung hindi magagawa ng administrasyon na sugpuin ang iligal o kolurum na bus na tumatakbo sa Edsa, magpapatuloy ang mga aksidente hindi lamang dito kungdi pati na rin sa karugtong na ruta tulad nang aksidente sa Common Wealth Ave kung saan namatay ang beteranang mamamahayag na si Chit Estella-Simbulan.

“Thousands of buses sa Edsa, puro naman iligal. Anong gagawin natin? Ayusin muna ‘yung prangkisa. Patakbuhin lang ‘yung mga legal… Bigyan lang nila (gobyerno) ng power ang MMDA para gawin,” paliwanag ng senador.

Kasabay nito, iminungkahi din ni Sotto na dapat na suwelduhan ang lahat ng driver at konduktor ng bus sa buong bansa partikular sa Kamaynilaan upang hindi nakikipaghabulan kay “Kamatayan,” kumita lamang at makabuo ng boundary.

“Basta hindi nagmamadali ang bus driver, nakikipag-unahan sa quota o komisyon, gawin mo nang swelduhan ang mga drivers, kung pwede lahat ng mga buses sa Metro Manila i-take over na ng gobyerno,” giit ni Sotto.

Iminungkahi din ni Sotto na panghawakan na lamang ng gobyerno ang pagpapatakbo ng transportasyon sa Edsa, tulad nang ginawa ng administrasyon ng dating unang ginang na si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa operasyon ng Love Bus.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng Senate committee on rules kung maghahain ba o hindi si Sotto ng kaukulang panukala upang mabura ang prangkisa ng lahat ng bus sa Edsa at masugpo ang mga bus na kolorum.

“Pinag-aaralan ko pa kung bill or resolution lang pwede na,” paliwanag ni Sotto.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply