Problema na naman!

SA WAKAS ay makakahinga na din ng maluwag ang maraming mga detractors at kritiko ni Ombudsman Merceditas Gutierrez .

Kahapon kasi ay pormal na siyang nagpaalam sa kanyang mga dating tauhan sa Office of the Ombudsman at kahit halatang masama ang kanyang loob ay hinikayat pa din niya ang mga empleyado na ipagpatuloy ang paglaban sa katiwalian at suportahan ang sinumang papalit sa kanya.

Ang pagbibitiw na ito sa puwesto ni Gutierrez ay maituturing na isang personal na tagumpay ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Kaya nga lang sa halip na magdulot ng katahimikan ay tila nagresulta pa sa mas maraming problema ang pagbibitiw na ito ni Gutierrez.

Bakit kamo? Ayon kasi sa ating mga mapagkakatiwalang sources diyan sa palasyo ay nagiging mitsa na naman ng awayan ng mga taga Balay at Samar ang binakanteng puwesto ni Ombudsman Gutierrez.

Ang siste kasi ay may kanya-kanyang manok ang nasabing dalawang grupo para maipalit kay Gutierrez.

Alam ng mga pulitikong ito na krusyal sa tagumpay nila sa darating na mga halalan sa 2013 at 2016 ang posisyon ng Ombudsman.

He-he! Nakakatawa talaga ang mga pulitikong ito na walang iniisip kundi protektahan at isulong ang sarili nilang mga interes.

Dangan kasi kung ang napatay na si Osama Bin Ladin at iba pang mga kilalang terorista sa mundo ay itinuturing na high value targets (HVTs) ng mga bansa na huma-hunting sa kanila,  ay high value position (HVP) naman ang tingin ng mga taga Balay at Samar sa puwesto ng Ombudsman.

Kaya sa halip na magkaisa ang mga kolokoy na ito para suportahan si Pangulong Noynoy sa mga programa niya, ay sila mismo ang nagaaway-away at nagpapagulo sa takbo ng administrasyon.

Hindi tuloy tayo nagtataka kung bakit patuloy na bumababa ang approval ratings ni Pangulong Noynoy sa mga surveys.

Kaya nga napapa-isip ang mga ordinaryong mamamayan na mukha yatang nagkamali si Pangulong Noynoy sa ginawa niyang pagpapalayas sa puwesto kay Gutierrez.

Sa halip kasi na makatulong sa kampanya niya para sa “tuwid na daan” ay naging mitsa pa ang iniwang puwesto nang di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga pinagkakatiwalang mga tauhan ng Pangulo.

Sana naman ay matapos na ang walang hanggang bangayan diyan sa palasyo para makausad na tungo sa kaunlaran ang bansa natin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply