Proxy oks sa DoE sa pagkuha ng smart cards

APRUB sa Department of Energy (DoE)  ang proxy sa pagkuha ng fuel smartv cards ng  mga public utility vehicle operators  para sa kanilang fuel subsidy.

Ito umano ay bunsod ng pagdalang ng bilang ng mga kumukuha ng FSC sa mga lugar ng distribution.

Sinabi ni DoE Undersecretary Jose Layug Jr., na  halos nangalahati lamang aniya ang bilang ng mga pumuntang driver sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame sa Quezon  City, nitong Miyerkules para kumuha ng card.

“Kahapon medyo matumal ang driver taga-Alabang at point of origin na letter A.  Hinihikayat namin sila pumunta sa Crame,” saad ni Layug.

Rekomendasyon ni Layug na maaaring magpadala na lang ng proxy ang mga driver na hindi makakapunta sa kampo para kunin ang pantawid-pasadang tulong ng gobyerno.

Kinakailangan lamang umanong ipresinta ang ID ng kaibigang driver at ang confirmation certificate na inisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maibigay ang card na nagkakahalaga ng P1,050.

Matatandaang nagsimulang mamahagi ng fuel smart card ang DoE noong Lunes, sa layuning makatulong sa mga public utility vehicle (PUV) driver dahil sa sunod-sunod na paglobo ng presyo ng langis.

Samantala, tuloy pa rin ang distribusyon ng naturang card sa mga driver sa Baclaran, Bacood, at Balintawak.

Nakatakdang matapos ang pagbibigay ng fuel smart card sa darating na Mayo 31 sa iba’t ibang mga probinsya sa bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply