Pulis pinagnakawan, 4 totoy arestado sa Kyusi

HINDI na nakatakas nang masukol ang apat na binatilyo makaraang looban at pagnakawan ang bahay ng isang alagad ng batas sa Quezon City.

Ang mga nadakip ay pawang nasa edad 10 hanggang 16.

Sa ulat ni PO2 Princess Relayo, ng Talipapa Police Station, ang mga suspek ay itinurn-over na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may hurisdiksyon sa mga salarin.

Sa report, ang nahuling mga kabataan ang nanloob sa bahay ng biktimang si PO1 Rex Abano, 31, ng Brgy. Culiat, nasabing lungsod.

Nabatid na tinatayang dakong 1 ng madaling-araw hanggang alas-7 ng umaga nang mangyari ang insidente matapos iwan ng biktima ang kanyang bahay na nakasara.

Nakapasok ng bahay ang mga bagets nang sirain ang dingding na kahoy ng bahay ng biktima at tangayin ang 87 kilo ng bakal na nagkakahalaga ng P1, 334, isang electric wiring – P3,000 at sewing machine na nagkakahalaga ng P16,000.

Ang pagnanakaw ay nakita ng ilang kapitbahay na agad namang nagsumbong kay Abano kaya agad umuwi ng bahay ang biktima at dinakip ang mga suspek.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply