Pusakal na tulak huli sa akto

ISA sa mga most wanted drug pushers sa Taguig ang nasakote sa kanyang hideout ng pinagsanib na puwersa ng Station Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (SAID-SOTG), Barangay Bagumbayan Security Force at PCP3 noong Huwebes ng hapon, Mayo 19, sa 247-O Coco Hills, Barangay Bagumbayan sa nasabing lungsod.

Ayon kay SAID-SOTG P/CInsp Mihilan Payao, matagal na nilang sinusuyod ang bawat lugar ng Taguig upang matukoy ang pinagtataguan ng kilabot na suspek na nakilalang si Salvador S. Solivel alyas Badong.

Si Solivel ay una ng nadakip sa kasong pagtutulak din ng ipinagbabawal na gamot at ng makalaya sa bisa ng piyansa ay muling naghasik ng lagim sa lungsod.

Dahil sa matiyagang pagkalap ng mga impormasyon ng SAID-SOTG, natunton ang pinagtataguan nito  at sa pamamagitan ng binuong plano ng mga awtoridad maingat na nailatag ang buy bust operation upang hulihin ito sa akto.

Sa harap ng mga testigong sina Brgy. Kagawad Vincent Lopena at Warren De Los Santos, agad na pinosasan nina PO2 Noel Antillion Jr., at PO2 Roel Medrano ang suspek habang tinitimbang nito ang drogang nakalagay sa mga plastic sachets.

Nasamsam mula sa kay Solivel ang mga ebidensiyang ilang gramo ng methamphetamine hydrochloride, digital scale, marked money, surgical scissor at mga perang kinita nito sa pagtutulak ng bawal na gamot.

Tiniyak naman ng dalawang barangay officials na makakatuwang sila ng mga alagad ng batas sa pagsasampa ng kaso laban sa ikinulong na suspek.

“Makakaasa ang mga mamamayan na tutulong kami na labanan ang pagkalat ng droga sa aming pamayanan,” ani Lopena. PP Corpus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply