Ratings ni PNoy sesemplang pa kay Mar

BINABANTAYAN ng iba’t ibang sektor ang opisyal na pagpasok ni dating Sen. Mar Roxas sa Malakanyang bilang chief of staff ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.

Pinangangambahan ng mga ito na maghahatid si Roxas ng mas matinding salungatan sa programa ng gobyerno at sa mga kritikal na isyu na nangangailangan ng desisyon ng Pangulo.

Anila, tiyak na sesemplang ang bumababa nang approval ratings ni G. Aquino kung sakaling ito ang mangyayari.

Si Roxas ang talunang presidential runningmate ni Pangulong Aquino.

Nauna rito ay nagbabala ni Sen. Edgardo Angara, na naging executive secretary ni dating Pangulong Joseph Estrada, na mas magiging kumplikado ang pamamalakad sa Palasyo dahil sa pagpasok ni Roxas sa eksena.

Ayon sa senador, dapat unahin ni Pangulong Aquino ang pagresolba ng salungatan o factionalism sa loob ng kanyang bakuran.

Duda ang marami kung makatutulong sa sumasadasad na imahe ng Pangulo ang isang presidential chief of staff na kilalang partisan politician at nag-aambisyong maging presidente sa darating na 2016.

Inaasahan ng mga kritikal na grupo na magdadala lamang ng mas matinding salungatan sa decision-making sa Office of the  Executive Secretary.

“If they will introduce a foreign element like a (presidential) chief of staff, naturally, it could cause friction and opposition, conflict within the Office of the Executive Secretary and the position of the chief of staff because we did not have that tradition,” ani Angara.

Halos nagkaisa rin ng pananaw ang ilang senador, lalo na ang mga kasapi ng Commission on Appointments (CA), na nagsasabing kailangan linawin ni Pangulong Aquino ang responsibilidad ni Roxas bilang presidential chief of staff.

“The way they described how this, the role of the chief of staff, as troubleshooter and, in fact, higher than the executive secretary. If it’s true, I think it should not be that of a position that will not be subject for confirmation by the Commission on Appointments (CA),” paliwanag pa ng senador.

Duda rin ang mga kritiko ng Pangulo na kaya nitong rendahan ang kanyang mga tauhan, partikular sina Roxas at Executive Secretary Paquito Ochoa, na bukod sa pagiging  alter-ego ng Presidente ay tinaguriang  “primus inter pares” o “first among equals.”

Malabo rin umanong makatulong para mapaganda ang serbisyo sa bayan ang pagpasok sa Malakanyang ng mga talunang kaalyaldo ni Pangulong Aquino.

Kinukwestyon din ng mga kritiko ang posisyong inilalatag kay Roxas, partikular ang hindi pagdaan nito sa CA gayong mas makapangyarihan pa ito kaysa regular na kalihim ng kagawaran at kasapi ng Gabinete ng Pangulo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply