Reforestation kakalbuhin

ANO kaya ang mangyayari sa reforestation nina PNoy?

Nagtatanong tayo, Suki, dahil sa ibinabalita ng Department of Environment and Natural Resources na malawakang pagtatanim umano ng mga puno.

Saan-saan ba gaganapin ang programang yan? Saan-saan ba sila magtatanim ng mga puno? At anong klaseng mga puno ang itatanim nila?

oOo

Sa totoo lang, pasyal tayo nang pasyal sa mga lalawigan. At nakapanghihinayang ang mga kapatagan at kabundukan na dati’y magubat ngunit ngayon ay kalbong-kalbo na.

Magsimula ka sa Manila at pumunta ka sa Laoag o Aparri o Zambales, halos kalbo na lahat ng mga kalupaan na iyong madadaanan o maaabot ng iyong mga mata. Ganito rin ang tanawin kung pupunta ka sa Kabikulan.

Makakakita ka na lang ng gubat sa mga isla o liblib na  pook na mahirap abutin ng mga negosyante o may kinatatakutan ang mga ito.

Pero kung ang magubat na lugar ay inaabot ng sasakyan ng mga pulis at militar, malamang kaysa hindi na madalang na ang mga puno at higit na malawak ang kalbong kabundukan at kapatagan. Magtanong pa kayo sa mga nakatira sa Marag Valley sa mga lalawigang Kalinga-Apayao-Cagayan.

Makaraang manghina ang puwersa ng mga kumrad na Neps sa lugar, sinalakay ng mga ligal at iligal na logger ang mga virgin forest at  ilang sundalo at pulis ang eskort ng mga ito.

oOo

Ano nga ba talaga yang reforestation, huh?

Nagtatanong tayo dahil may nagbulong sa atin na may nursery ang DENR na gumastos na ng P2 bilyon pero sa gilid-gilid lang ng haywey may puno.

Paglagpas mo sa kung ilang puno, kalbo nang mga bundok ang bubulaga sa iyo.

Bilyon-bilyong piso ang kailangan sa reforestation. Hindi kaya kakalbuhin lang ng mga korap ang pondong yan?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply