Reporma sa NBP, BuCor pinamamadali

AGARANG reporma sa Bureau of Corrections (BuCor) ang nais ipatupad ni Pangulong Benigno Aquino III matapos sunud-sunod na bumulaga sa publiko ang pagbibigay ng VIP treatment sa ilang mayayaman at maimpluwesyang preso sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang idineklara ng Pangulo at nagtakda ng pagpupulong sa susunod na mga araw upang talakayin at madinig ang mga mungkahi para sa pagbabago na magaganap sa BuCor at maging sa pambansang piitan.

Sinabi pa ng Chief Executive na kabilang sa pinag-aaralan ng administrasyon ay ang posibleng pagpapatayo ng mga karagdagang gusaling kulungan hindi lamang sa NBP kundi maging sa Iwahig penal colony sa Palawan.

Aniya, sa kanyang ipatatawag na pulong ay kailangan na makita rin ang bigat ng epekto sa pamilya ng mga preso kung hindi sila makadadalaw sanhi ng isasagawang rehabilitasyon sa mga nabanggit na piitan ng pamahalaan.

Magugunita na magkasunod na nabulgar sa publiko ang VIP treatment sa mga high-profile na preso tulad ng maaktuhan ang ilang ulit na pagpuslit ni dating Batangas Governor Antonio Leviste sa kanyang kulungan na walang paalam.

At ang kakaibang pagtrato sa mga Ampatuan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City matapos na makunan ng video si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr., na gumagamit ng cellphone sa labas ng kanyang kulungan kasama sina Razel Andal, asawa ni Andal Jr., at Nasser na inilabas sa publiko ni Maguindano Governor Esmael Mangudadatu.

Iginiit din ni Pangulong Aquino na sanhi ng mga napabalitang special treatment sa mga preso, may aasahan umanong sorpresa hinggil dito pero hindi pa mabanggit sa ngayon habang isinasailalim pa sa proseso ang BuCor at NBP.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply