RH bill binigwasan ni Pacquiao

HINDI ang Reproductive Health (RH) bill ang solusyon sa problema sa bansa ayon kay boxing icon at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

“Ang solusyon sa kahirapan ay sugpuin ang korapsyon, dahil ‘yan ang talagang pumipinsala at nagpapahirap sa mga tao,” pahayag ni Pacquiao pagbalik niya sa bansa nitong Sabado, Mayo 14.

Aniya, ayaw niya sa RH bill dahil salungat ito sa itinatakda ng kanyang relihiyon.

“Ang Panginoon kasi ang boss ko. Ayokong labagin ang kautusan ng Panginoon,” ani Pacquiao.

Subalit nilinaw niya na handa pa rin siyang makipagdiyalogo hinggil sa RH bill.

“Pwede namang pag-usapan. Kailangan magharap-harap ang pro and anti,” aniya.

Kahapon ay nakabalik na ng bansa si Pacquiao matapos ang matagumpay na laban kay Shane Mosley sa Las Vegas, Nevada.

Dumating si Pacquiao kasama ang misis na si Jinky at ang Team Pacquiao lulan ng Philippine Airlines (PAL) Flight 103 na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 dakong 6:35 ng umaga mula sa Los Angeles, California.

Sinalubong si Pacquiao ng kanyang mga anak, mga kamag-anak, taga-suporta at mga tagahanga.

Nagkaroon din muna ng press conference sa NAIA Terminal 2.

Matapos ito, dumiretso si Pacquiao sa New World Hotel sa Makati para mag-almusal bago ang mga nakatakda nitong lakad ngayong araw.

Ngayong araw na ito naman ay uuwi ng General Santos City si Pacquiao para sa kaarawan ng inang si Mommy Dionisia.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply