Rollback sa pasahe pinagaaralan ng LTFRB

PINAG-AARALAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang rollback sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan matapos manawagan ang isang commuters group.

Ito ay bunsod ng sunod-sunod na pagbulusok ng halaga ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, na hinihintay lamang nila ang petisyon na ihahain sa kanila ng grupo ukol dito, kung kaya agad nila itong aaksiyunan.

Nauna rito, nanawagan ang National Council for Commuters Protection (NCCP) na tapyasan ang singil sa pamasahe matapos ang ilang beses na malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Inihayag ni Iway na malaki ang posibilidad na papaboran ng LTFRB ang hinihiling na fare rollback lalo na at tuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Subalit ayon sa LTFRB, sa ngayon ay wala pang natatanggap na anumang petition of rollback sa pamasahe ang board sa kahit anong grupo ng transport organizations.

Nauna rito, sinabi ni Efren De Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (Acto) na kusa silang magbabawas ng pamasahe pero halagang .50 sentimos lamang sa oras na bumaba aniya ang presyo ng diesel sa halagang P35 kada litro.

Sakaling matuloy ang sinasabing rollback, babalik ang pamasahe sa P7.50 mula sa kasalukuyang P8 sa unang apat na kilometro.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply