Sana mahalin niya ako kahit lola na ako- Rep. Lani Mercado-Revilla

ITO ang mga katagang binitiwan ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla para kay Senador Ramon “Bong” Revilla sa kanilang muling pag-iisang dibdib ngayong Mayo 28.

Sa panayam ng Remate kay Rep. Revilla, inamin niyang sa loob ng 25 taong pagsasama nila ng senador ay marami siyang natutunan at ipinagparaya.

“Panalangin namin na sana umabot pa kami sa 50 taon at pareho pa kaming malalakas pero it is another journey. Ang wish ko lang ay sana mahalin niya pa rin ako kahit lola na ako, kasi lola na ako at lolo na rin naman siya.”

Marami aniyang pagkakataon na siya bilang asawa ay personal na gumagawa ng mga gawaing bahay at pag-aalaga sa asawa at mga anak.

“Hands on ako sa ganitong pag-aalaga at the same time I have to teach myself to let go also kasi my kids are getting older and matured.”

Anim ang anak ng mag-asawang Revilla na sina Bryan (24), Jolo (23), Inah (21), Giana (15), Rudolf (13) at Dan (12).

Bagama’t hindi nagrereklamo ay sinabi ng kongresista na parehong mahigpit ang kaniyang schedule bilang artista at mambabatas subalit depende aniya ito sa time management.

Ikinuwento pa ni Mercado-Revilla na may mga pagkakataon na kahit galit siya ay bihira niya itong ipakita subalit may mga pagkakataong may komprontasyon pa rin.

“Normal lang akong babae. Kailangang ilabas mo naman ang iyong sama ng loob minsan baka atakehin ka sa puso at magkasakit at mamatay ka na iyon naman ang wish ng iba.”

Inamin din ng mambabatas sa Remate na may pagkakataon na tumatalak siya sa asawa lalo na noong bago pa lang silang mag-asawa.

“Nag-uusap kami kasi hindi maganda talaga ang nag-aaway at nagbabangayan.  We normally talk inside our bedroom na walang makakarinig lalo na ‘yung mga bata.  May mga chance na may problema at naririnig ng mga bata kung minsan but we learned how to stop and control ourselves because someone has to give in.”

Kinumpirma rin ng kongresista na hindi siya nakikialam sa political career ni Senator Bong dahil may sarili aniya itong diskarte at inirerespeto niya ito. Katunayan aniya, hanggang ngayon ay walang manager ang senador at lahat ng nangyayari sa buhay niya ay diskarte niya lang.

Nabanggit din ng kongresista na ang orihinal na petsa ng kanilang selebrasyon ng kasal ay sa May 10, subalit nagkataong may sesyon kung kaya ipinagpaliban ito.  Balak din sana nilang pumunta sa Estados Unidos, kung saan sila unang ikinasal, at sa Europe. Pero hindi ito naisakatuparan dahil sa kanilang mga obligasyon bilang mga mambabatas.

Marami ang nagpayo sa mag-asawa na magkaroon ng renewal of vows sa kanilang ika-25 anibersaryo at dito na isagawa sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Congresswoman Lani na imbitado sa kanilang kasal si Pangulong Benigno Aquino III subalit nag-decline ito, gayundin si Vice President Jejomar Binay.  Kinumpirma naman ang pagdalo nina dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, dating Pangulong Joseph Estrada at dating Pangulong Fidel Ramos.

Sina GMA, Erap at FVR ay mga orihinal na ninong at ninang ng mag-asawang Revilla sa kanilang Centennial wedding noong 1998.

Pangunahing isinusulong ngayon ni Rep. Lani Revilla ay ang cityhood ng Bacoor.

“If that will be accomplished, I would deliver na my promise to my constituents at secondary po iyong pagbubukas ng district hospital. Iyong development ng Bacoor kasi lumalaki ang population namin kasama na rito ang pagpasok ng MRT sa aking distrito at malaki talaga ang potential ng Bacoor.”

“Ma-accomplish lang namin lahat ng mga obligasyon namin una sa bayan, iyong mga sarili namin na mapahaba pa namin ang samahan namin at umabot pa kami ng 50 years at pareho kaming malakas, siguro very very big accomplishment iyon para sa amin.”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply