Sandigan pa ba natin ang Sandiganbayan?

KUNG ako ang tatanungin, masamang senyales ang dulot ng ginawang pag-ayuda ng Sandiganbayan sa plea bargaining agreement sa pagitan ni dating AFP comptroller Carlos Garcia at ng Office of the Ombudsman sa pangunguna ng dating pinuno nito na si Merceditas Gutierrez, na ngayo’y nahaharap na sa kaliwa’t kanang kasong reklamo sa Department of Justice.

Para bang nagbigay ang anti-graft court ng “go-signal” sa mga magnanakaw sa gobyerno na sumige lang sila sa pandarambong dahil kalaunan ay plea bargaining agreement din lang – katulad ng kay Garcia – ang kanilang kahahantungan.

Mahigit sa P303 milyon – mula sa bulsa ng mga taxpayer – ang itinuturong dinambong umano nitong si Garcia habang siya ay comptroller pa ng AFP.

At dahil sa plea bargaining agreement – na halatang niluto ng Ombudsman at ng OSP (Office of the Special Prosecutors) noong termino ng nakaraang kurap na administrasyon – wala pa sa kalahati (P135.43) ng kabuuang halaga ang napunta lang sa kaban ng gobyerno.

Bagaman tiyak na makukulong din itong si Garcia sa mababang kaso ng direct bribery at money laundering, kontrolado pa rin nitong si Garcia at ng pamilya niya ang nalalabing P165 milyon na tiyak na hindi na makikita ni Juan dela Cruz magpakailanman.

‘Yan ay kung meron pang nalalabi dahil malakas ang ugong ng bulungan sa mga kalye na may mga kumita mula sa Office of the Ombudsman, OSP at  mismong Sandiganbayan sa plea bargaining agreement na ito para kay Garcia.

Paliwanag ng Sandiganbayan na mahina at kulang sa ebidensiya ang kasong isinampa ng Office of the Ombudsman. At mukhang gusto pang ibato ang sisi kay dating Ombudsman Simeon Marcelo na mismong nagpasimula ng kaso laban kay Garcia noong 2005.

Pero hindi ba dapat ay nagtulong-tulong na lamang sila noon na maiusad ng tama ang kasong ito sa dahilang pera ng sambayanan ang nakasalalay dito?

Ang nakapagtataka pa ay kung bakit hinarang ng Sandiganbayan ang pagkilos ng Office of the Solicitor General (OSG) na pakialaman ang kaso ni Garcia gayung pera naman ng taumbayan ang sangkot sa naturang kaso?

Marami kaya ang magtitiwala sa naging desisyon na ito ng anti-graft court? O mas marami ang naniniwala na may bahid ng anomalya ang desisyon na ito?

Para sa akin, iisa lang ang tiyak — na maraming taxpayers na ang nag-iisip ngayon kung ano ang kanilang gagawin sa susunod na bayaran ng buwis!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply