Sangki kinuwestyon ng mag-amang Ampatuan

KINUWESTIYUN muli ng akusadong mag-amang Andal Ampatuan, Sr., at Jr., ang kuwalipikasyon ni Rasul Sangki bilang ordinaryong saksi sa Maguindanao massacre.

Sa kanilang inihaing motion for reconsideration sa pagbasura ni Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa isinumite nilang motion to expunge, iginiit ng mag-amang Ampatuan na nagkamali ang korte sa pagtrato kay Sangki bilang ordinaryong testigo.

“With all due respect, this Honorable Court committed serious and reversible error in denying accused’s Motion to Expunge,” pahayag ng panig ng mag-amang Ampatuan.

Anila, hindi ordinaryong saksi si Sangki kaya kailangang makumpleto muna niya ang requirements na isinasaad ng batas, partikular ng Witness Protection, Security and Benefit Act (WPSBA) o Republic Act No. 6981, bago siya maging kuwalipikadong saksi.

“Rasul Sangki is not an ordinary witness. He admits his own complicity and participation to the Maguindanao massacre,” anang kampo ng mag-amang akusado.

Batay sa WPSBA, may dalawang uri ng saksi, ang ordinaryong testigo at ang tinatawag na state witness.

State witness ang tawag sa isang testigo na may partisipasyon o kasama sa mga akusado ngunit nais maging saksi. Bago maging testigo ang isang dating akusado, nararapat lamang na masunod nito ang itinatakdang requirement ng batas.

Sa kaso ni Sangki, sapagkat itinuturing siyang ordinaryong testigo, hindi na kailangang masunod niya ang requirement na isinasaad ng WPSBA.

Pero, binigyang-diin ng mga Ampatuan na mismong affidavit ni Sangki ang magsisilbing ebidensiya na may direkta siyang partisipasyon sa nasabing krimen. Kabilang na nga rito ang kinalaman niya sa pagpaplano, naroroon din siya sa Malating checkpoint kung saan umano naharang ang mga biktima at sinamahan din niya si Datu Unsay sa Sitio Masalay, Brgy. Salanan, Ampatuan, Maguindanao.

Kinuwestiyun din ng depensa ang kabiguan ng prosekusyon na kasuhan si Sangki kahit na batid nila ang nilalaman ng sinumpaang-salaysay nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply