Scam sa illegal stickers ng PUJ inimbestigahan

IPINAG-UTOS ni Manila Hall chief of staff Ric de Guzman na imbestigahan ang nalantad na multi-milyong modus operandi ng ilang tiwaling opisyal ng pulis kaugnay ng mga sticker na idinidikit sa mga pampasaherong dyipning rumuruta sa  Maynila.

Ito’y makaraang mabunyag sa isinagawang on-the-spot operation ng Anti-Smoke Belching Unit (ASBU) at ng hepe nito na si Joey Arriza na ang mga dyipning tumatakbo sa kahabaan ng Abad Santos,  Avenida, Recto, Divisoria at Magsaysay Blvd. ay may iba’t ibang hugis at kulay na sticker na nagkakahalaga ng P10 bawat isa.

Ang nasabing stickers ay may iba’t ibang hugis na letra, prutas o simpleng tatsulok o square lamang.

Tinatayang kumikita ang mga opereytor ng iligal na gawain ng hindi bababa sa P6 milyon sa isang buwan.

Ayon kina Ricardo Nolasca at Florencio Fajardo, mga drayber ng dyipning bumibiyahe ng MCU-Divisoria , ang stickers ay binibigay sa kanila ng mga vendor.

Binanggit din ang mga lugar na Pasay, Taft, Antonio Rivera, at Divisoria kung saan umano ipinamamahagi ang nasabing mga stickers.

Idinidikit umano ito sa harapan ng sasakyan upang magsilbing proteksyon laban sa anumang huli, kabilang na ang paglabag sa smoke-belching.

Ayon sa pahayag ng isa pang drayber, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ng sinita ito ng ASBU, ang tatsulok o square stickers na may butas sa gitna ay proteksyon umano sa paglabag sa batas ukol sa smoke-belching.

Sa rekord ng mga dyipning bumibiyahe sa Maynila, tinatayang umaabot ito mula sa 10,000 hanggang 20,000 araw-araw.

At dahil sa ang bawat sticker ay nagkakahalaga ng P10 kada araw, aabot na agad sa P6 milyon bawat buwan ang kinikita ng mga opereytor ng iligal na aktibidad kahit  kalahati lamang ng dyipni ang magkakaroon ng stickers na nabanggit.

Ang pagsisiyasat na iniutos ni De Guzman ay upang mapag-alaman kung sino ang utak ng modus operandi at upang masampahan ito ng kaukulang kaso.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply