Sedition ikakasa vs ‘di magbabayad ng buwis

KASONG sedition ang isasampa laban sa mga hindi magbabayad ng buwis sakaling maisabatas ang Reproductive Health (RH) Bill.

Ito ang sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga mamamahayag sa ginanap na paglulunsad ng National Greening Program (NGP) sa bakuran ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Lungsod ng Quezon ngayon, Biyernes.

“I will be surprised if someone will say that publicly because, if I’m not mistaken, mabigat na kaso po ‘yan,” ayon sa Pangulo.

Nauna rito ay nagbanta ang Citizens Alliance for the Protection of Human Life (Caph-Life), isang grupo ng anti-RH Bill activists, na hindi magbabayad ng buwis ang mga miyembro nito sakaling tuluyang mapagtibay ang nasabing panukalang batas.

Partikular na nagpahayag ng pagbabanta ang abogadong si Lyndon Garcia ng Caph-life, na nagsabi pang nakipag-usap na sila sa kanilang mga miyembro sa Bacolod, Cebu, Negros Oriental at iba pang lugar hinggil dito.

“I think sedition would be the charge that would be filed for not doing your civic obligation. Marami nang precedent ‘yan,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.

Kahit ang simpleng pag-uudyok lang sa mamamayan na huwag magbayad ng buwis ay maikokonsidera nang seryosong paglabag sa batas.

“Kapag may nagmungkahi na hindi magbayad ng buwis, it’s a big offense,” aniya pa.

Bagama’t pabor ang administrasyon ni Pangulong Aquino sa RH Bill, na kilala rin bilang Responsible Parenthood Bill, kontra naman dito ang Simbahang Katoliko dahil bibigyan nito ng mandato ang pamahalaan na magamit ang pondo ng estado sa pagbili ng mga artificial contraceptives para sa mga mag-asawa.

Natural na pamamaraan lamang ng pagpaplano ng pamilya ang tinatanggap ng Simbahang Katoliko at hindi ito sang-ayon sa anumang uri ng artipisyal na pagpaplano ng pamilya.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply