Seguridad sa financial districts, oil depot pinaigting

PINAIGTING na ng pulisya ang seguridad sa lahat ng financial districts sa bansa partikular sa Makati City na kinalalagyan ng mga malalaking kumpanya at bangko matapos lumabas ang balita sa pagkamatay ni Osama bin Laden.

Asahan na ng mga motorista ang ikakalat na checkpoints sa mga kalsada ng Makati City, ayon kay Sr. Insp. Froilan Bonifacio, hepe ng Makati PNP. Nakiusap na rin ang pulisya na makiisa ang mga motorista sakaling magsikip ang trapiko sa mga lugar na may checkpoint.

Inaasahan umano ng PNP Intelligence na maaaring magplano ang mga galamay ng Abu Sayyaf na maghasik ng terorismo bilang ganti sa pagkakapatay sa lider ng Al Quaeda, na si Osama Bin Laden.

Hindi umano hahayaan ng PNP na makalusot ang terorismo at maulit ang mga pambobomba tulad ng Rizal Day bombing at Valentine’s Day bombing sa Makati.

Hindi rin palulusutin sa mga oil depot partikular sa Pandacan ang mga terorista kaya’t mahigpit na rin simula pa noong Lunes, Mayo 2, ang seguridad dito. Ben Reyes

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply