Siyensya gagamitin sa pagbuhay sa karagatan

GAGAMITIN ng Department of Agriculture ang siyensiya upang muling mapuno ng isda ang mga karagatan ng Pilipinas.

Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, naubos na halos ang isda sa karagatan dahil na rin sa mga mangingisdang gumagamit ng cyanide at dinamita.

Plano umano ng DA na kausapin ang mga mayor ng iba’t-ibang siyudad at munisipalidad na malapit sa karagatan upang maglaan ng pondo para sa pagpapagawa ng fingerlings hatchery.

Ang hatchery ay ginagamit na ngayon ng mga commercial fish farmers sa pagtatanim ng bangus at tilapia sa mga palaisdaan.

Ani Alcala, malaki ang posibilidad na makapagpalaki ng lapu-lapu, pampano, tanigue at iba pa sa hatchery.

Kung ihuhulog umano sa dagat na pisa na ang itlog ng isda ay mas malaki ang posibilidad na lalaki sila at mapakikinabangan.

Aniya, napakaposible ng nasabing proyekto dahil may nakalaan nang badyet dito bukod pa sa hindi sa DA manggagaling ang badyet para sa pagpapagawa ng hatchery kundi mula sa bawat concerned municipality o city.

Malaki rin umano ang posibilidad na pumayag ang mga munisipalidad at siyudad dahil alam nilang mayroon silang moral obligation para suportahan ang kanilang mga nasasakupan.

Kung magtatagumpay ang nasabing proyekto, maaari umanong ang Pilipinas na ang maging pinakamalaking exporter ng lapu-lapu at pampano sa Asia.

Ang lapu-lapu at pampano ay dalawa lamang sa pinakamahal na isdang makikita sa karagatan ng Pilipinas na binibili sa abroad. Nenet L. Villafania

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply