Smart-Gilas hindi magaan ang mga laro

HINDI magiging magaan ang tatahaking landas ng Smart-Gilas Pilipinas sa pagtatangkang maisukbit ang pases sa susunod na round ng 22nd FIBA Asia Champions Cup na sisimulan sa Mayo 28 sa PhilSport Arena sa Pasig City.

Naniniwala si coach Rajko Toroman na hindi magiging madali tulad ng unang inaakala para sa koponan niya na malulusutan ang mga katunggali sa Group A na kinabibilangan ng Al-Ittihad Jeddah ng Saudi Arabia, WestSports Kuala Lumpur Dragons, Duhok Sports Club ng Iraq at ASU Sports ng Jordan.

Ang opening day na kalaban ng RP Nationals ay ang Saudi Arabia 5 na nakuha si CJ Giles na dating import ng Smart-Gilas Pilipinas. Susundan ito ng laban sa Kuala Lumpur Dragons sa Mayo 29, Iraq team sa Mayo 31 at ang ASU Sports ng Jordan sa Hunyo 1.

Samantala, maglalaro sa Dragons si Marcus Morrison at ang 6’ 10” na Nakiea Miller na tatanganan ni coach Ariel Vanguardia na sinasabing may mga Pinoy players pa siyang huhugutin para sumapi sa team.

Mahalaga sa Smart-Gilas Pilipinas na makuha ang tuktok ng Group A standings para maiwasan ang maagang pakikipagsagupaan sa top 3 teams sa Group B na kinasapian ng back-to-back team champion Iran, Qatar at Syria.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply