Social pension ibibigay sa senior citizens

NAKATAKDANG ibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) National Capital Region (NCR) ang social pension sa mahihirap na senior citizens sa Metro Manila.

Ayon sa pahayag ni Director Ma. Alicia Bonoan, 1,965 senior citizen ang mabibigyan ng P1,500 ngayong buwan. Ang nasabing halaga ay kabuuan ng tatlong buwang pensiyon na nagsimula noong Enero hanggang Marso.

Kasama sa kuwalipikasyong hinihingi ay ang di pagtanggap ng anumang pensiyon ng matanda, walang regular na tulong na naibibigay ang kanyang kamag-anakan, at walang permanenteng pinagkakakitaan.

Ayon pa kay Bonoan, “Mga 2,880 na mahihirap na matanda ang natukoy mula sa 17 lokal na pamahalaan sa kamaynilaan. Ngunit sa ngayon, abot sa 1,965 pa lang ang beripikado ng mga lokal na pamahalaan na kuwalipikado sa nasabing programa.”

Ang mga kwalipikadong matatanda ay tatanggap ng social pension fund na nagkakahalaga ng P500 kada buwan. Ibibigay naman ito ng DSWD sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines bawat tatlong buwan.

Sa ginawang NHTS-PR ng DSWD noong nakaraang taon, lumalabas na mga 145,166 matatandang mahihirap sa buong kapuluan ang puwedeng mabigyan ng social pension mula sa pondong abot sa P870 bilyon.

Ang pagbibigay ng monthly pension ay isa sa mga pamamaraan ng pamahalaan upang matupad ang kanilang obligasyon na lingapin ang mga senior citizens na kasama na rin sa pagpapatupad ng Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act ng 2010.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply