Sukli

MAY panukalang ordinansa sa lungsod ng Quezon si Councilor Aly Medalla na dapat ay tama at
eksakto ang ibinibigay na sukli ng mga establisimiyento. Maganda ang panukala dahil karapatan iyon ng tao at kung kulang ang sukli ay pandaraya sa customer kahit pa maliliit na halaga lamang o barya-barya lang.

Ang simpleng pagbibigay ng sukli ay may malalim na ibig sabihin at may malalim na mensahe tungkol sa disiplina at katapatan. Ang disiplina at katapatan ay may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa. Isipin na lang kung tapat ang bawat isa, hindi iiwas sa pagbabayad ng buwis at walang manglalamang. Kung tapat ang bawat opisyal ng gobyerno, maayos ang paggasta ng pera ng bayan at walang pondo sa kaban ng bayan ang masasayang.

Sa disiplina naman, isipin na lang ang laki ng katipiran kung may disiplina ang bawat isa. Halimbawa kung susundin natin ang disiplina na huwag magkakalat at huwag magtatapon ng basura kung saan-saan eh di tipid na sana tayo ng mga billboards at signage na kailangan pang paalalahanan ang taong bayan na itapon ang basura sa mga tamang lugar.

Hindi na kailangan na gumasta ng malaki para harangan ng mga rehas na bakal ang mga kalsada para hindi tumawid ang mga tao sa hindi tawiran. Kaya hindi simpleng ordinansa ang panukala ni Councilor Medalla.

Hindi na sana kailangan pang gawing ordinansa ito dahil dapat lang naman na ibigay natin sa mga mamimili ang sapat na sukli pero saludo ako sa konsehala dahil nakita nya ang mas malalim na magiging benepisyo ng ordinansang ito lalo na kung ang mahalagang maidudulot ng panukala ay mabigyang diin muli ang kahalagahan ng disiplina at katapatan.

Ano sa palagay ninyo mga kababayan? Saan pa bang panig ng pamahalaan o ng buong sambayanan dapat i-apply ang simpleng disiplina at katapatan, tulad ng simpleng pagbibigay ng sukli.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag- email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply