Super bright bulb o HID talagang delikado

LIBO-LIBO gabi-gabi ang mga motorista lalo na sa Metro Manila at sa mga superhighway.

At mas marami ang disgrasya sa gabi kaysa sa araw, lalong-lalo na ang mga grabe.

Mayroon bang kaugnayan ang mga bombilya na gamit ng mga sasakyan sa mga sakunang nagaganap?
Ito ang tanong ng ating Uzi na dapat na mabigyan ng malinaw na sagot ng mga kinauukulan.

Sa sarili nating karanasan kasi, talaga namang nakabubulag ang mga ilaw na sobra ang liwanag.

Ang tawag sa mga bombilya para rito, mga Bro, ay HID o High Intensity Discharge o super bright bulb. Kapag nabulag ka, kahit saglit lang, hindi mo makikita ang nasa iyong harapan. Kahit tao, kahit sasakyan at kahit ano.

Paano kung dikit-dikit ang mga sasakyan at biglang may huminto sa sandaling ika’y nabulag dahil sa HID?

Paano kung tumatakbo ang iyong sasakyan sa North o South Luzon Expressway o Subic-Clark-Tarlac Expressway sa bilis na 100 kilometro kada oras?

Eh tumatagos, mga Bro, ang liwanag ng HID o super bright bulb sa mata.

Paano kung biglang huminto sa iyong harapan ang isang sasakyan dahil nagkaroon ng diperensiya ngunit nabulag ka habang nagmamaneho. Sa mga superhighway pa rin, paano ang mga kurbada at walang markang kalsada at nagkataong nabulag ka dahil sa HID?

Mabuti kung isa-isa lang ang mga may HID. Eh ang dami nang gumagamit nito, pati ang mga naglipanang motorsiklo at traysikel.

May HID na, pawang mga ulol pa sa sobrang pagpapatakbo ng sasakyang may HID ang marami, kasama na ang mga may hawak ng motorsiklo.

Mula rito, buo ang suporta natin sa mga kongresman na nagpapanukala ng batas para ipagbawal ang HID.

Halimbawang malaki naman ang maitutulong ng HID laban sa dilim, dapat magawan ng paraan na hindi ito makaapekto sa mga tsuper na kasalubong ng mayroon nito. Parang batas laban sa paggamit ng mga stainless na yero sa mga sasakyan ang pupuwedeng gawin kung malaki naman ang maitutulong ng HID.

Kung kinakaskas ng liha ang stainless na yero, ano naman ang pupuwedeng gawin sa bombilya upang hindi ito makabulag ng mga tao at motorista?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply