Suplay ng bigas sa bansa, sapat — DA

HINDI mag-i-import ng bigas ang bansa sa susunod na mga buwan dahil sapat ang suplay nito sa kasalukuyan ayon sa Department of Agriculture.

Sa isang press conference sa Philippine Information Agency (PIA) Quezon City, sinabi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, sakaling pumasok ang panahon ng bagyo sa mga darating na tag–ulan ay hindi pa rin aangkat ng bigas ang Pilipinas dahil mayroong imbak na 200,000 metric tons na gagamitin oras na dumanas ng kalamidad ang mga palayan.

Anya, nag-anihan na ang mga magsasaka nitong nakaraang mga buwan at may mga imbak pa ang bansang butil kaya walang dahilan para umangkat ng bigas ang bansa sa mga dayuhang bansa.

Gayunman, niliwanag ni Alcala na bagamat nagkaroon ng pagtaas ng halaga ng commercial rice ng P1.00 hanggang P2.00 kada kilo ay hindi naman mapapakialaman ito ng ahensiya dahil ang presyo nito ay depende sa traders.

Nananatili naman anyang mababa ang NFA rice na may halagang P25.00 kada kilo at P27.00 kada kilo ng retail.

Niliwanag din ni Alcala na gusto ng Japan, Korea at iba pang bansa na mag-export ng bigas ang Pilipinas sa kanila pero kailangan munang maging self sufficient ang bansa sa suplay ng bigas bago magplano na magluwas ng bigas sa mga dayuhang bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply