Show ni Willie sa TV5 isang buwan suspendido

TULUYANG sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Willing-Willie ng TV5, ang show ng kontrobersiyal na host na si Willie Revillame.

Ang suspensyon ay nagsimula noong nagkusang baklasin ng TV5 ang show sa ere. Ang suspensyon ay tatagal ng isang buwan.

Kabilang din sa iniutos ng MTRCB ang pagbibigay ng kopya ng show sa ahensya tuwing magsasagawa ito ng live show upang agad marebyu at matiyak na walang paglabag na ginawa ang show.

Samantala, tuloy naman ang kasong child abuse laban kay Willie makaraang sabihin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang dahilan para iatras nila ang kaso.

Ani DSWD Secretary Dinky Soliman, kanilang ikinatuwa ang desisyon ng MTRCB dahil isa itong  patunay na may nangyari paglabag sa batas si Revillame at hindi na umano mahalaga kung maikli man ang suspensiyong ipinataw sa programang “Willing Willie”.

Matatandaan na kasama ang DSWD sa mga naghain ng reklamong pang-aabuso laban nga sa TV host sa Quezon City Prosecutor’s Office (QCPO) noong Abril 27 habang hindi naman isinama sa asunto ang pamunuan ng Associated Broadcasting Company – ang nangangasiwa sa TV5.

Maliban sa DSWD, naghain din ng kahalintulad na reklamo ang non-government organization (NGO) na SCREAM (Stop Child Rights Exploitation in Media) at ang grupo ni Fr. Robert Reyes laban kay Revillame.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa dirty dancing ng batang contestant ng show na si Jan-Jan Suan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply