Tag-tanim na, nasaan ang pangako sa magsasaka?

NASA anim na milyong magsasaka ang tumitingala sa langit sa mga araw na ito at tinatantiya nila kung pupuwede na ulit silang magbungkal ng mga bukid para sila magtanim ng pagkain para sa lahat.

Kasabay nilang pinakikinggan ang mga ipinahahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration…kung tumutugma sa kanilang mga pagdama sa pahayag ng kapaligiran.

Totoo na nga kayang tag-ulan na at kung ganun ay tag-tanim na?

Habang sila’y nagtatanong sa kanilang mga sarili, sumasabay ang haplos nila hindi na kay Toro o kay Damulag.

Sapagkat bibihira na ang bespren nilang mga kalabaw sa pagsasaka.

Ang hinahaplos na nila ay pawang mga malalamig na bakal.

May tatak na Kubota, Honda, Yanmar at kung ano-ano pa na may tatak na kinalaykay ng inahin.

oOo

Malalamig na bakal nga ang kanilang mga pakner sa pagsasaka dahil hindi umaandar ang mga ito sa taas ng presyo ng mga produktong petrolyo na konsumo ng mga ito.

Masaklap pa, bigla ba namang binawi mismo ni PNoy ang pangako nitong magbibigay ng subsidyo sa mga magsasaka.

Magkagayunman, binawi rin sa huli ni PNoy ang kanyang binawing pangako sa pagsasabing magbibigay na lang ito ng ibang anyo ng subsidyo.

Halimbawa, bigas o binhi o abono at iba pa.

Nagtatanong ngayon ang mga magsasaka: hindi kaya muling bawiin ng anak nina Ninoy at Tita Cory ang kanyang pangako?

Ah, huwag magtaka mismong si PNoy at ang mga tsuwariwap nito kung sa susunod na mga araw ay sesemplang pa ang rating ng pamahalaang Aquino.

Ano nga ba ang isasagot ng mga magsasaka kung tatanungin sila ng: ano ang masasabi ninyo ukol kay PNoy bilang Pangulo?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply