Toll na walang resibo gaya ng sa gasolinahan

NAKAPUNTA na ba kayo sa Hacienda Luisita?

Kung hindi pa, magpunta kayo. At magugulat kayo na may toll gate sa lugar na yan.

Yun bang galing sa Subic-Clark-Tarlac Expressway.

Noong una, wala yan. Ngayon ay mayroon na.

Pero extension ba yan ng SCTEX? Hindi po. Itinayo umano ng mga Hari at Reyna sa Hacienda Luisita.

Ang sabi, ang singil na iba-iba para sa tatlong uri ng sasakyan ay para sa mantinansiya sa kalsada.

Private naman daw kasi at hindi sakop ng SCTEX.

Kaya dapat lang umano na may pangmantinansiya at operasyon nito.

Ganun?

Pero bakit walang resibo? Ang sabi, meron naman umano.

Kaya lang hindi ka bibigyan kung hindi ka hihingi.

Ganun ba dapat ang toll gate?

O kayong mga kinauukulan, baka pupuwede ninyong linawin ito. Maliliit lang naman ang mga toll sa gate na yan.

Kaya lang, tinatayang aabot sa P1 milyon umano ang kita riyan sa loob ng isang buwan.

Yan, mga Bro, ang nasasagap natin.

O Ms. Kim Henares sa Bureau of Internal Revenue. Ano po ba ang masasabi ninyo?

Sino o anong ahensiya naman kaya ng pamahalaan ang pupuwedeng umalam kung iligal ito o hindi?

oOo

Dahil sa toll gate sa Hacienda Luisita, bigla nating naalaala ang mga istasyon ng gasolina.

Nakararami, mga Bro, ang hindi nag-iisyu ng resibo.

Tatanungin ka pa nga kung kailangan mo o hindi ang resibo.

At lalong hindi nagbibigay ang mga ito ng resibo sa mga dyipni at traysikel driver.

Hindi kasi humihingi ang mga ito na maya’t maya ay nagkakarga ng P50, P100, P150 at iba pa.

Itong BIR nga pala, dapat ding mamasyal nang mamasyal sa mga istasyon ng gasolina para malaman nila ang nangyayaring ito.

Libo, mga Bro, ang istasyon ng gasolina sa buong bansa. Kikita ang gobyerno rito kung seryoso ito sa pagpapatupad ng batas sa resibo.

A oo nga pala, noong may papremyo sa resibo ang BIR, ang daming resibo ng mga istasyon ng gasolina ang peke. Ano nga pala ang nangyari sa problemang ito?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply