Trak vs bus sa Parañaque: 8 ang sugatan

NASUGATAN ang walong katao makaraang magsalpukan ang cargo truck at mini bus sa intersection ng Coastal at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque City, Martes, Mayo 31.

Kabilang sa walong biktimang nasugatan ay si Princess Magdasal, 31, na dinala sa San Juan de Dios Hospital bunga ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente bandang ala-sais ng umaga sa panulukan ng Coastal Road at NAIA road.

Ayon sa mga nakasaksi, ang biktima ay tumatawid sa Coastal Road at hindi gumamit ng footbridge nang mabundol ng isang rumaragasang minibus (NWY-253) na minamaneho ng isang Renato de Castro.

Dahil sa naganap na insidente, nawalan ng kontrol ang kasunod na cargo truck (XLK-973) at sumalpok sa tagilirang bahagi ng mini bus at isa pang pribadong sasakyan.

Ayon sa report bukod kay Magdasal, nasugatan sa insidente ang mga biktimang nakilala lamang sa mga pangalang “Raymond,” “Mario” at iba pa na sina Richelle Millanes, Alexis San Luis, Jinky Segundo, ang  11-anyos na si Jerome, at Joselito Apostol.

Iniimbestigahan na ng awtoridad ang naganap na aksidente habang nasa kustodiya pa ng pulis ang driver na si De Castro.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply