Tren ng LRT line 1 tumirik muli

MULI na namang naantala ang biyahe ng Light Rail Transit (LRT) line 1 nang mag-usad pagong ang isa sa mga train na patungong Baclaran na naging dahilan upang maapektuhan din ang lahat ng biyahe nito Miyerkules ng umaga, Mayo 4.

Sa pahayag ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), bumagal ang takbo ng tren mula Libertad patungong Baclaran dakong 9:30 ng umaga na naging dahilan upang mapuwersa ang pamunuan na dalhin muna sa depot ang tren upang masuri kung bakit nag-usad pagong ang takbo nito.

“Bumagal ang takbo n’ya siguro mga sampung kilometro kada oras na lang at di na makatakbo ng maayos so naapektuhan talaga ang buong linya,” pahayag ni Cabrera.

Hindi naman kaagad matukoy ng LRTA kung ano ang dahilan ng pagbagal ng takbo ng naturang tren sa kabila ng pangako ng pamunuan na magsasagawa sila ng pagsasa-ayos ng mga ito kasama na ang pasilidad matapos ang apat na araw nang pagtigil ng operasyon noong Semana Santa.

Nagtataka naman ang libu-libong pasahero kung bakit nagkakasunod-sunod ang aberya ng mga tren ng LRT na umano’y nagsimula nang mapalitan ang dating administrator na si Mel Robles.

Idinugtong naman ni Cabrera na karamihan sa nagiging problema sa pagka-antala ng biyahe ng LRT ay bunga ng hindi kaagad naisasara ang pintuan dahil sa dami ng mga pasahero

Karamihan sa mga tren ng LRT Line 1 ay tumatakbo na noong pang taong 1984 hanggang 1985 kung kailan nagsimula ang operasyon nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply