Tuition fee hike tinutulan ng mga kongresista

MARIING tinututulan ng ilang mambabatas ang panukala ng may 300 kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila at ilang probinsiya na muling itaas ang kanilang matrikula dahil dagdag pasanin na naman ito para sa mga mahihirap na pamilya.

Kasabay nito, nanawagan sina Reps. Rafael Mariano (Anakpawis Party-list) at Raymond Palatino (Kabataan Party-list) sa Malacañang na huwag payagan ang muling pagtataas ng matrikula upang hindi na makadagdag pa sa paghihirap ng mas nakararaming pamilya na dumaranas na ng kagipitan dahil sa krisis sa ekonomiya.

“Papaano pang mapapag-aral ng mahihirap na pamilya ang kanilang mga anak kung para sa pagkain lang ay hindi na sumasapat ang kanilang kinikita?” ani Mariano.

Dagdag pa ni Mariano, libu-libong nakapagtapos sa high school ang hindi na makakapagpatuloy sa kolehiyo sa taong ito kung pahihintulutan ng Commission on Higher Education (Ched) ang muling pagtataas ng matrikula. “Asahan na rin natin ang mas maraming dropouts dahil marami sa mga estudyanteng nasa kolehiyo na ngayon ang mapipilitang tumigil dahil dito,” dagdag ng mambabatas.

Ani Mariano, dapat ay magsagawa ng mga public hearing hinggil sa panukalang pagtataas ng matrikula ang Ched at imbitahin ang lahat ng stakeholders.

“Dapat imbitahan ng Ched ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon ng mag-aaral, mga magulang at iba pang maaapektuhan ng gagawing pagtataas at magsagawa ng dayalogo upang mapakinggan ang hinaing ng bawat isa.,” ani Mariano.

Dapat din maparusahan ang mga kolehiyo at unibersidad na mapatutunayang labis-labis ang itinaas, ipinataw at nakolektang matrikula sa taong ito

Ayon naman kay Palatino, ang halaga ng pag-aaral sa bansa ay hindi dapat labis na tumaas dahil maliban pa sa matrikula, hindi na napagtutuunan ng pansin ng Ched ang mga sinisingil ng eskwelahan tulad ng miscellaneous at iba pang fees. “Marami sa mga paaralan dito sa bansa ang naniningil ng mga bayarin na kung lilimitahin ay hindi naman na dapat pang ipinapataw sa mag-aaral o di kaya naman ay paulit-ulit na nasisingil sa mag-aaral,” sabi ni Palatino.

“Hindi dapat payagan ng Commission on Higher Education na magtaas ang matrikula ng mga paaralan na may mababang resulta ng bilang ng nakakapasa sa licensure exams,” ani Palatino.

Nanawagan din si Palatino sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na aksiyunan agad ang tuition fee rationalization bill.

Dagdag naman ni Rep. Walden Bello (Akbayan Party-list), isang pagkakamali kung papayagan ng pamahalaan ang dagdag-matrikula dahil mas maraming pamilya ang maghihirap at mas maraming mag-aaral ang lalong hindi makapagtatapos ng kolehiyo.

Ayon sa Ched, 69 na pribadong kolehiyo at unibersidad sa buong Metro Manila ang inaasahang magtaas ng matrikula sa darating na pasukan, kung saan inaasahang ang St. Luke’s College of Medicine ay magtataas ng 12 porsyento.

Ang University of the East-College of Medicine, Ateneo de Manila University, Ateneo Graduate School of Business, Miriam College, Assumption College at OB Montessori ay magtataas ng limang porsiyento sa kanilang matrikula habang ang University of Santo Tomas, De La Salle University at UE-Manila ay magtataas ng 3.75 porsyento, 3.5 porsyento at 4.35 porsiyento ayon sa pagkakasunud-sunod.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply