Tuwid man ang daan, ang buwaya ay buwaya pa rin

SAANG mga puwesto kaya isasaksak ang mga kaibigan at kaalyado na talunan?

Hindi man ito sinasabi sa publiko ni Pangulong Noynoy,  tiyak namang nagsimula nang sumakit ang kanyang ulo rito.

Sa dami ba naman ng mga talunang kanyang mga kaibigan at kaalyado na naghahanap ng hanapbuhay, este, paraan para makapaglingkod sa bayan, paano hindi sasakit ang kanyang ulo?

He! He! He!

Kaugnay ito ng pagpaso nitong Mayo 10 ng bawal na paglalagay sa puwesto ng mga talunan sa nakaraang halalan.

Dahil hindi na nga bawal ang bawal, nagkakarambola na ang mga kaibigan at kaalyadong talunan para makabalik o magkaroon ng  poder.

Ang isang tanong dito siguro ay kung mag-iisyu si PNoy ng mga executive order para tuluyan nang mapalayas sa puwesto ang mga binabansagang Arroyo appointee. Maaaring isabay rito ang pagsasampa ng kaso sa lahat ng mga alipores ni Aling Gloria, nanalo man sa halalan o ligal ang pagkakapuwesto sa gobyerno, para masuspinde at tuluyan nang masibak sa puwesto ang mga ito.

Pupuwede ring rambulin mismo ang mga nakaupo ngayon para may malaglag.

Dito magkakaroon ng kasagutan sa tanong ukol sa kung saang mga puwesto isasaksak ang mga nasabing pulitiko.

Ang mga mababakante na puwesto ng mga Gloria appointee at kaalyado nito sa pulitika na masisibak sa puwesto ang pagsasaksakan ng mga talunan.

Kapag naganap ito, diyan maaaring magsimula ang pag-zigzag ng matuwid na daan.

Aba, napakarami ang namumulubi na talunan nitong nakaraang halalan.

Baka marami sa mga magkakaroon ng puwesto ang higit na interesado sa pagkakaroon ng milagro sa bulsa kaysa sa milagro ni Kristo sa tinapay at isda na bumusog sa mga mahihirap.

Ang sabi, magiging istrikto ang pamantayan ng paglalagay sa puwesto ng mga talunan.

Kauna-unahan  yata na pamantayan diyan ay kung nakikita at handang sumunod sa tuwid na daan ang aplikante. Eh sino naman ang hindi sasagot ang oo.

Pero ang buwaya, dumaan man yan sa diretsong daan, buwaya pa rin.

PNoy, ingats!

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply