Viagra ipamimigay sa RH bill – Sen. Recto

MAMAMAHAGI ng libreng Viagra ang Department of Health (DOH) sakaling mapagtibay ng Kongreso ang panukalang Reproductive Health Bill na kasalukuyang umiinit ang debate sa dalawang kapulungan ng Lehislatura.

Ganito ang gusto ni Sen. Ralph Recto sa pamamagitan ng isang probisyon sa RH bill upang mabigyan ng libreng Viagra at iba pang kahalintulad na gamot ang kalalakihan na may erectile dysfunction.

Dahil dito, hindi lamang condom, birth control pills at iba pang kontraseptibo ang ipamamahagi ng pamahalaan sa mag-asawa kapag naisabatas ang RH bill na mahigpit na itinutulak ng administrasyon sa kabila nang pagtutol ng Simbahang Katoliko.

“Kapag may erectile dysfunction libre na rin ang Viagra doon,” giit ni Recto.

Dahil sa magiging magastos ang implementasyon ng RH bill sakaling maging batas ito, iginiit ng senador sa pamahalaan na magsumite ng ‘cost analysis’ o ang datos sa gagastusin ng implementasyon nito.

“There’s obviously a price tag for this bill. There are costs involved and no one seems to be talking about it,”ani Recto.

“Ultimately, before we discuss about the ‘birds and bees’, let’s talk about the fees,” dagdag pa niya.

Nagbabala si Recto, chairman ng Senate committee on ways and means, na ang gastos sa RH services tulad ng probisyon sa modern family methods, devices at supplies para sa mahihirap na pamilya ay hindi kayang solohin ng national government.

Tiyak na may gastos din dito ang Philippine Health Insurance Corp. o Philhealth, Local Government Units (LGUs) at maging ang pribadong sektor.

Dahil dito, hindi rin malayong magtaas ang monthly premium ng employee at employers sa Philhealth, Government Service Insurance System(GSIS) at Social Security System (SSS).

May posibilidad din na humingi ng karagdagang pork barrel fund ang mga mambabatas para sa implementasyon ng RH bill.

“Where are we going to take the money from? Would this mean more pork barrel, higher LGU taxes and higher contributions to Philhealth, GSIS and SSS?” tanong ng senador.

Sa ngayon, humihirit na ang Department of Health (DOH) ng P 3 bilyon para sa kanilang family planning program at Commission on Population(Popcom) bilang initial outlay ng RH law, pero sa tingin ni Recto,  kulang ang naturang pondo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply