Binay bagong anti-illegal recruitment czar

MAGSISILBING anti-illegal recruitment czar si Bise Presidente Jejomar Binay sa inilabas na Executive Order No. 41 ng Malakanyang.

Sa pamamagitan ng paglagda ni Pangulong Benigno Aquino III ng nabanggit na kautusan ay muling binuhay at pinalakas pa ang Presidential Task Force Against Illegal Recruitment.

Nagpahayag naman ng kagalakan si Binay sa aksyon ng Pangulo at binigyan-diin nito na bilang Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ Concerns ay titiyakin niya ang kaligtasan ng bawat OFW laban sa mga manlolokong recruiter.

“I applaud the reactivation and strengthening of the Presidential Task Force Against Illegal Recruitment (PTFAIR) by virtue of Executive Order 41 and I am thankful for President Benigo S. Aquino III’s trust in having me lead the task force,” aniya.

Nangako si Binay na sisikapin niyang hindi na maulit ang sinapit ng tatlong Pinoy na binitay sa China na pawang biktima ng illegal recruitment.

Sa muling binuhay na Task Force, katuwang ni Binay ang mga kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Justice (DOJ) bilang vice chairpersons.

Kabilang naman sa mga miyembro nito ang mga namumuno sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Overseas Employment Agency (Poea), Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Manila International Airport Authority (MIAA) at Prosecutor General ng DOJ.

Ayon pa kay Binay, bilang pinuno ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), malaki ang maitutulong ng reactivated task force upang mabawasan at tuluyang magapi ang iligal na aktibididad ng mga sindikato ng human trafficking sa bansa.

Kumpiyansa ito na tuluyan nang maaalis ang Pilipinas sa talaan bilang Tier 2 Watchlist ng Trafficking in Persons Report na ipinalabas ng US State Department.

“I look forward to working with the concerned agencies toward providing adequate protection for our Global Filipinos,” pagtatapos pa ni Binay.

Kabilang sa isasagawang operasyon ng task force ay ang surveillance at entrapment operations sa mga taong pinaghihinalaang nagsasagawa ng illegal recruitment, kabilang na dito ang mga nagbibigay ng “escort service” sa mga paliparan at mga daungan palabas ng bansa at ang kagyat na paghuli sa mga naturang indibidwal.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply