Walang Cabinet revamp, period! — PNoy

WALANG plano si Pangulong Benigno S. Aquino III na balasahin ang kanyang gabinete dahil sa nananatiling mataas ang kanyang kumpiyansa sa miyembro ng kanyang opisyal na pamilya sa gobyerno.

Ito ang mariin na tugon ni Pangulong Aquino sa isinagawang informal press briefing sa Four Seasons Hotel sa Jakarta, Indonesia matapos ang kanyang pagdalo sa mga pagpupulong sa 18th Association of South East Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit.

Aniya, buo pa rin ang kanyang paniniwala sa kakayahan ng kanyang gabinete kung kaya wala siyang nakikitang kongkretong dahilan upang magsagawa ng cabinet revamp o magpalit ng mga kasalukuyang kalihim sa ilang kagawaran ng pamahalaan.

“I am empowered to re-organize the Executive branch to a large degree at any given time, tinatanong ako kung may Cabinet revamp? Kung sino ang papalitan ko? Ang sabi ko, I’m happy with the Cabinet. So why should there be a revamp?” deklara ng Punong Ehekutibo.

Binanggit pa ng Chief Executive na ang mataas na dedikasyon ng kanyang gabinete na gawin ang lahat ng nararapat upang masiguro na maihatid sa taumbayan ang pangunahing pangangailangan ng bawat mamamayan ay sapat ng dahilan upang sila ay manatili sa puwesto.

Ito ay sanhi ng mga napapabalita na ilan sa kanyang mga natalong kapartido sa 2010 National elections ay mabibigyan ng puwesto sa kanyang gabinete na kinabibilangan nina dating Senador Mar Roxas, mga dating kongresistang sina Nereus Acosta at Rizza Hontiveros-Baraquel.

Idinagdag pa ng Pangulo na batid niya ang pagsisikap, sinseridad at dedikasyon ng bawat Kalihim na itaguyod ang serbisyo pampubliko na naaayon sa naisin ng kanyang administrasyon na tuwid na daan at pananagutan sa publiko.

Aniya, sa kabila ng hindi kataasan na sahod ay nanatiling naka-focus ang kanyang gabinete na sumunod sa kanilang sinumpaang trabaho at pawang nagbubunga naman ng positibo na pabor para sa mamamayan ng bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply