Workers ‘di umasa sa pangako ni PNoy

NABAHIRAN ngayon ng pagdududa ang hanay ng mga militanteng manggagawa na baka mapakong muli ang pangako ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino hinggil sa wage increase para sa mga obrero sa pribadong sektor matapos na tila Poncio Pilatong ipasa niya ito sa National Wages and Productivity Board para siyang magdesisyon sa kaukulang salary hike.

Ayon kay Wildon Barros, spokesperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Northern Mindanao, mas maganda ang legislative wage increase para sa mga private employees dahil hindi aniya mapagkakatiwalaan ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa pagbigay ng tamang sahod sa mga empleyado sa pribadong sektor na siya aniyang makasasagot sa krisis sa paghahanap-buhay.

Sinabi pa ni Barros na naging inutil ang Aquino Administration sa pagbibigay ng P125 across the board wage increase sa lahat ng empleyado sa private sector.

Nadagdagan pa ang pangamba ng mga manggagawa sa pahayag ng ilang ekonomista na huwag kaaagad na umasa na may umento sa sahod base sa kanilang pananaw hinggil sa naging anunsyo ni Aquino na pinamamadali niya ang deliberasyon sa wage hike bilang bahagi ng selebrasyon ng Labor Day.

Sa panayam naman ng isang radio station kay Professor Ben Diokno, sinabi nitong nasa wage board pa rin ang huling alas at hindi sa Pangulo pagdating sa usapin ng suweldo.

Dagdag pa ni Diokno, hindi makabubuti para sa bansa na magkaroon ng wage increase dahil matinding epekto ang dadalhin nito sa ekonomiya ngayong bugbog ng problema ang bansa.

Lantad naman ngayon na kaya muling umigting ang panawagan sa dagdag-sahod ay nag-ugat sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabilang na ang pamasahe at produktong petrolyo.

Ito ang dahilan kung bakit hiniling ngayon ng KMU sa Kongreso na aprubahan na ang nasabing legislative wage increase dahil ito lamang umano ang paraan upang makaahon ang mga empleyado sa kahirapan.

Samantala, inihayag naman ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) Sec. Gen. George San Mateo, ilan lamang sa kanilang mga lehitimong miyembro ang nagtungo sa Camp Crame ngayon, Mayo 2, para sa distribusyon ng Pantawid Pasada Card.

Ayon kay San Mateo, ilan sa kanilang mga ito ang nadidismaya sa kakarampot na limos na ipinagkaloob ng Aquino administration para umano maibsan ang epekto ng sunod sunod na oil price hike.

Una nang inupakan ng Piston ang nasabing programa ng Aquino administration dahil hindi sila kuntento sa tulong na ito ng gobyerno. Mas mabuti na lang aniyang suspindihin ang Value-Added Tax (VAT) sa langis at lahat ng drivers ng public modes of transportation ang makikinabang.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply