Yes Pogi paborito sa PCSO Silver Cup Race

ISA sa hinahangaang kabayo sa taong ito ay si Yes Pogi kaya naman inaasahang dadagsain ito ng mga karerista sa Linggo, Mayo 22, sa pista ng Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.

Muling makikilatis ang tikas ni 2010 Philippine Sportswriters Association, (PSA) horse-of-the-year awardee Yes Pogi laban sa limang stakes race contender sa gaganaping 16th PCSO Silver Cup Race.

Sa huling laban ni Yes Pogi ay natalo ito kay Juggling Act at dahil hindi kasali ang mahigpit na karibal ay malaki ang tsansa ng reigning Presidential Gold Cup champion na makuha ang panalo.

“Alam naman natin na de-remateng kabayo si Yes Pogi at dahil sa haba ng distansya ay nakalalamang talaga siya ng husto.” wika ni Ramon Villanueva, isang karera tiyempista.

Si veteran rider Manolito “Butchoy” Daquis ang rerenda kay Yes Pogi upang masungkit ang P1.1M na premyong inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“Mga dekalidad na kabayo rin ang makakaharap natin dito kaya mahirap magsalita, pero sana maganda ang ikilos ni Yes Pogi para mabigyan natin sila ng magandang laban,” pahayag ni Daquis.

Ang ibang kalahok sa nasabing event na may distansyang 2,000 meter race ay sina Go Army, PGC 1st runner up Righthererightnow, Shining Armour, Darleb at Thotis Best.

Sina Righthererightnow, Darleb at Shining Armour ay sasakyan ng mga star jockeys na sina former PSA jockey-of-the-year awardee Jonathan “Unoh” Hernandez, Jeffrill Tagulao Zarate at many-time PSA JOY Patty Ramos Dilema ayon sa pagkakasunod habang si class A rider Fernando “Dunoy” Raquel ay gagabayan si Go Army.

May nakalaan na P350,000 sa second placer, P175,000 sa third placer at P85,000 sa pang-apat na tatawid ng meta habang may ibibigay din na P40,000 para sa breeder ng winning horse.

Samantala, sa unang race maglalaban ang apat na bagitong kabayo sa 2-year-old Maiden race kung saan ay may added prize na P10,000 para sa mananalong kabayo handog ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).

Ang mga kalahok ay sina Cheese Blanca, Lohrkes Tower, Ezip Ezip at Poker Chip. Elech Dawa

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply