‘Pabahay’ sa mga sundalo at kapulisan

SA isang huntahan kamakailan, masayang ibinalita ng aking kumpareng pulis ang tungkol sa anunsyong ‘pabahay’ ni Pangulong Noynoy Aquino sa militar at kapulisan.

Sa simula, hanggang matapos ang aming kuwentuhan, kahirapan sa buhay ang tema ng aming usapan, na tinapos ng salita niyang “magkakabahay na rin ako”.

Sa aming huntahan,  nakita ko sa aking kumpare ang saya sa mukha, na hindi ko nakita sa mahabang taon ng aming  pagiging magkaibigan.

Nabuhay ang pag-asa para sa aking  kumpare dahil sa pangako ni P-Noy na pagkakaloob ng disenteng bahay sa militar at pulisya.

Sa ganang atin, kapuri-puri ang aksiyon na ito ng Aquino administration dahil tinutugunan ang problema ng ating mga tagapagtanggol.

Wala akong matandaan na nagplano ang mga nakaraang administrasyon ng housing program para sa mga sundalo at pulis, kundi si PNoy lamang.

Siguradong ‘di lamang ang aking kumpareng pulis ang natutuwa sa naturang pabahay program, bagkus ang libo-libo pang sundalo at pulis na walang tahanan.

Ang housing program na ito ay patunay lamang na batid ni  PNoy ang kahirapan ng karamihan sa mga sundalo at pulis na sa kakarampot na suweldo ay tahimik at walang reklamong nagsisilbi  sa bayan.

Ipinakita pa nga ng kumpare kong pulis ang Administrative Order No. 9 na may lagdang Petsa Abril 11, 2011 ni Pangulong Aquino na nagpapatunay sa ‘pabahay’ program, kasama ang National Housing Authority.

Sa P200 na babayaran  kada-buwan, walang dahilan para ang mga sundalo at pulis na walang tahanan ay ‘di  magkaroon ng bahay.

Sa totoo lang, karamihan sa mga militar at pulis, lalo na ang mga mababa lang ang ranggo ay pinagkakasya ang maliit na suweldo sa araw-araw na gastos.

Sa upa pa lang sa maliit  na kuwarto ay kaltas kaagad ang kanilang suweldo ng P2,000. Eh paano ang iba pang gastusin katulad ng pagkain?

Kundi man umuupa, ang iba ay sa squatter area nakatira para makaiwas sa renta. Talagang nakakaawa ang kalagayan ng maraming sundalo at kapulisan.

Siguradong malaking tulong sa mga sundalo at pulis ang ‘pabahay’ program na ito ng pamahalaang Aquino.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply