1 sa pumatay sa sekyu ng Toyota nadakip

DINAKIP ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isa sa dalawang holdaper na pumatay  sa isang security guard  na nanlaban  dahil sa tangkang panghoholdap ng mga ito sa isang tanggapan ng Toyota car dealer sa Tondo, Maynila.

Nasakote ang suspek na si  Juville Ampil, 27, ng 753 Int. 68 Raxabago St., Tondo, Maynila ng mga operatiba ng MPD-homicide section sa pangunguna ni P/Insp.Armando Macaraeg.

Natutulog umano sa loob ng kanilang bahay ang suspek nang dambahin ito ng mga awtoridad kaya hindi na ito nakapalag pa.

Nabatid kay Macaraeg na isang police asset ang nagbigay ng impormasyon sa pinagkakanlungan ni Ampil matapos makita ng aktuwal sa CCTV camera ang naganap na barilan laban sa biktimang si Luis Catunao, 28, security guard  at  sa dalawang suspek na ang isa ay nakilalang si Renren Dino ng Marikina City.

Dakong  alas 3:55 ng madaling araw ng Linggo ng tangkaing looban ng dalawang suspek ang nabanggit na tanggapan kung saan  sa CCTV magka-riding in tandem sa isang motorsiklo ng dumating at pumarada sa likurang bahagi ng opisina.

Kasamang nakaduty naman ng biktima ang isa pang sekyu na si Zaldy Pelone na binaril pero masuwerteng ‘di tinamaan.

Bagama’t may tama na umano sa mukha ang biktima ay patuloy pa rin itong nakipagpalitan ng putok sa mga suspek hanggang sa makatakas ang mga ito.

Isinugod naman sa ospital ng mga nagro-rondang mga barangay tanod si Catunao pero namatay habang inooperahan.

Patuloy naman nagsasagawa ng follow-up operation ang grupo ni Macaraeg para madakip si Dino.  Jocelyn Tabangcura-Domenden

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply