1 toneladang ‘double dead’ na bangus nasabat

NASABAT ng awtoridad ang isang trak na may kargang aabot sa isang toneladang “double dead” na bangus sa Dagupan City, Pangasinan.

Ayon sa City Agriculture Office, malamang na ipupuslit ang mga bangus sa bagsakan ng isda sa lungsod at sa iba pang kalapit na probinsiya nito.

Nang inspeksyunin ang mga bangus ay puti na ang hasang at masyadong malambot na rin ang laman. Mayroon na rin itong amoy at ipinapalagay na sa murang halaga na rin ito ibebenta.

“Sa initial findings namin hindi na talaga siya fit for human consumption,” pahayag ni Emma Molina, agriculturist sa Dagupan.

Tikom din ang bibig ng driver at pahinante ng trak na hindi rin nabatid ang pangalan hinggil sa pagkakakilanlan ng taong nag-utos sa kanilang ideliber ang mga isda.

Kaagad namang iniutos ang pagpapalibing sa mga nasabat na isda upang makatiyak na hindi na ito mapapakinabagan pa at wala ng mapapahamak.

Una rito, tinatayang 50 toneladang bangus sa Anda, Pangasinan ang lumutang noong Linggo ng hapon matapos bumagsak ang dissolved oxygen sanhi ng biglaang pag-ulan.

Tinatayang aabot naman sa P3 milyon ang nalugi ng mga may-ari ng mga fishpen dahil sa nasabing fishkill.

“Iyan ay agap. ‘Yong buhay pa hinuhuli na… makakabawi sila ng konti ng kapital nila,” sabi ni Priscillano Onsaga, fishery extension worker sa Anda.

Nagkukumahog naman ang ibang bangus growers sa Barangay Awag sa Anda, Pangasinan na anihin agad ang kanilang mga bangus kahit maliliit pa ang mga ito dahil sa takot sa fishkill.

Mura na lang ang presyo ng mga bagus na nasa P10 hanggang P22 na lang kada kilo.

Babala naman ng awtoridad sa mga mamimili na kilatising mabuti ang mga binibili nilang isda.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply