15 undocumented OFWs nagtago sa barko

NANG makita naming sila, para silang mga sardinas sa lata.”

Ganito inilarawan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga nagtagong undocumented overseas Filipino workers (OFWs) sa isang barko patungong Sabah, Malaysia kamakailan.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr., inutusan ng sindikato na magpupuslit sa 15 Pilipino na magsiksikan sa isang silid na pinaglalagyan ng mga bagahe upang hindi sila makita ng mga tauhan ng Sea-Based Anti-Trafficking Task Force (SBATTF) na nakabase sa Zamboanga City.

Pero hindi pa rin nakalusot sa mga tauhan ng kawanihan ang plano ng sindikato at pinababa ang mga walang dokumentong Pilipino na nanggaling pa sa mga mga lalawigan ng Quezon, Tarlac at Bulacan.

Sa ulat ni BI Immigration Regulation Division (IRD) chief ret. Gen. Alberto Braganza, sinabi nito na nakasakay na ng barkong M/V Danica Joy ang mga Pilipino at nakatakda na nang maglayag patungong Sandakan, Malaysia.

Hindi rin binanggit ni Braganza ang mga pangalan ng mga Pilipino, 12 rito ay kababaihan at tatlo ang kalalakihan, alinsunod sa itinatakda ng batas laban sa human smuggling sa bansa.

Ayon naman kay BI-Zamboanga alien control officer (ACO) Sitti Rubaina Lutian, natuklasan ang pagtatago ng mga Pilipino matapos silang alertuhin ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nagsumbong umano sa DSWD ang naunang siyam na Pilipino na pinigilan ding sumakay ng barko dahil sa kakulangan ng kinakailangang dokumento na may 15 pang kababayan nila ang nagtatago sa nasabing barko. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply