2 Indian sa human smuggling nasa watchlist na

ISASAMA na sa listahan ng mga personalidad na hindi papayagang makalabas ng Pilipinas ang dalawang Indian nationals na pinapasok ng Bureau of Immigration (BI) sa bansa sa kabila na peke ang bisang kanilang ginamit.

Ayon sa isang batikang abugadong tumangging magpabanggit ng pangalan, inatasan na ni Commissioner Ricardo David Jr. ang legal and investigation division (LID) na ilagay sa talaan ng watchlist ng kawanihan ang mga Indian nationals na sina Kaur Shinderpal at Jaspal matapos mapatunayang peke ang ginamit na Philippine visa ng mga ito sa pagpasok sa bansa noong Abril 21.

Nakatakdang ipalabas ang kautusan na naglalagay sa watchlist sa mga dayuhan sa mga susunod na araw, ayon pa sa mapagkakatiwalaang impormante ng pahayagang Remate sa loob ng tanggapan ni David.

Sinabi pa ng abogado na sakaling lumabas ang nasabing kautusan, patatalskin ang mga nasabing dayuhan dahil sa paglabag ng mga ito sa batas ng pangdarayuhan o ang Philippine immigration act.

Ayon pa sa impormante, undesirable alien o hindi kanais-nais na dayuhan ang nilabag na probisyon ng Indian nationals, isang basehan upang mapatalsik ang mga ito sa Pilipinas.

Dahil dito, inaasahan na magtatago na sa Pilipinas sina Shinderpal at Jaspal  dahil ikinakasa na ng kawanihan ang isang malawakang paghahahanap sa kanila.

Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang mga operatiba ng kawanihan upang matukoy kung saan nagtatago ang dalawang dayuhan.

Sa impormasyon sa kanilang arrival card, pansamantalang manunuluyan sa lungsod ng Antipolo si Shinderpal habang sa Pasay City naman maninirahan si Jaspal.

Lumabas din sa record na hindi nagpupunta ang mga dayuhan sa tanggapan ng kawanihan upang ipa-renew ang kanilang tourist visa matapos payagan ang mga ito na manatili sa bansa ng 30 araw mula ng dumating sa Pilipinas noong Abril 21.

Ang pagpasok sa bansa nina Shinderpal at Jaspal, sa tulong ng sindikato ng human smuggling ay nag-resulta sa pagkakasibak sa puwesto ng apat na opisyal at miyembro ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU).

Nagdulot din ito ng ‘batik’ sa matuwid na landas na ipinangangalandakan ng kawanihan matapos masangkot sa kontrobersiya ang dalawang malalapit na tauhan umano ni Commissioner David.

Sa mga lumabas na impormasyon, kontradiksyon ang ibinigay na mensahe ng mga sinasabing malalapit na tauhan umano ni David sa mga miyembro ng BI-TCEU sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Matatandaan na nagkaroon ng kalituhan sa hanay ng BI-TCEU kung sino kina Atty. Anthony Bautista, umano’y nagmula sa tanggapan ni David at isang nagngangalang retired Gen. Lino Calingasan na chief of staff ni David ang susundin.

Sa impormasyong nakalap ng pahayagang Remate, ipinag-utos umano ni Atty. Bautista sa mga taga-TCEU na pakawalan at papasukin sa bansa ang dalawang dayuhan, sa utos umano ni Comm. David.

Taliwas naman sa naging utos ni Calingasan na nagsabing pabalikin sa Malaysia ang mga dayuhan at isailalim sa ‘exclusion proceedings.’

Dahil sa magkakasalungat na mensahe, napilitan si David na magpalabas ng direktiba na nag-aatas sa lahat ng immigration officer sa mga pambansang paliparan na walang ipatutupad na ‘waiver of exclusion’ kahit na may isang awtorisadong kinatawan nito ang tumawag sa paliparan upang papasukin ang isang pasahero.

Ayon pa kay David, dapat munang kumuha ng kompirmasyon mula sa kanya ang sinumang immigration officer upang mapatunayan na ang punong opisyal ng kawanihan ang nagbigay ng kautusan na papasukin ang isang pasahero.

Ipinagdiinan pa ng dating Armed Forces Chief of Staff na kailangang gumawa ng kasulatan ang isang dayuhang nasa tinatawag na ‘restricted’  at bayaran ang karampatang serbisyo bago payagan ng kawanihan na makapasok ng bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply