2 miyembro ng ‘water meter gang’ nadakip

DALAWANG hinihinalang miyembro ng notorious na “water meter gang” ang binitbit ng Barangay Security Force (BSF) sa himpilan ng Taguig Police Station habang nakatakas naman ang dalawang iba pa matapos na mabuko ang mga ito sa kanilang modus operandi sa Sambong Street, Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad noong Biyernes ng hapon, Hunyo 10, nakilala ang mga suspek na sina Cesario F. Agsoay, 33, at Arnel M. Galin, 28.

Ang mga suspek ay hinuli nina BSF members Marcelino D. Perdonio at Roberto Atienza bunsod na rin ng reklamong ipinarating ng biktima na nakilalang si Noemi R. Ibanez, 40.

Sinabi ng biktima na ang mga suspek ay pawang mga nakasuot ng MWSS uniform ng tanggalin ng mga ito ang metro ng kanilang tubig sa pamamagitan ng liyabe-tubo.

“Sabi nila disconnection daw, pero ng hanapan ko sila ng abiso ng MWSS at personal identification nila wala silang maipakita,” ani Ibanez.

Dahil sa kaduda-dudang gawi ng mga suspek ay agad na tumawag ang biktima sa nasabing tanggapan na maagap namang tinugon ni MWSS Taguig Business Zone Manager Engr. Mario D. Facun.

“We would like to inform the public consumers should they face similar problem, don’t hesitate to call us in our hotline 1627 so we can immediately respond to their complaints,” pahayag ni Facun.

Sinabi pa ng inhinyero na isa lamang si Ibanez sa daang bilang na nabiktima ng “water meter gang.”

Nakatakdang magsampa ng kasong krimen ang MWSS sa mga nahuling suspek. PP. Corpus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply