2 patay sa sabaw na nalagyan ng lason

DALAWANG katao, kabilang ang isang limang taong gulang na babae, ang namatay dahil umano sa pagkalason sa isang paaralan sa Tuguegarao City kanina.

Sina Eloisa Ballad, 5, at Jessica May Bangayan ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Kasalukuyang namang inoobserbahan ang may 41 mag aaral at tatlong guro na kinilalang sina Jane Ballejo, Grade IV adviser; Ma. Theresa De La Cruz, Grade II adviser; at si Victor Binalay.

Ang ilan pa sa mga naisugod sa ospital ay sina Darryl Ventura, Noryn Joy Ancheta, Jan Bladimir at Vince Taburico na pawang mga kindergarten.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman, Chief Supt. Agrimero Cruz, Jr., 41, estudyante, at tatlong guro ng Larion Bajo Elementary School ang nalason.

Isinasailalim naman sa imbestigasyon ang health education teacher ng paaralan na si Ginang Nikolasa Fresado.

Sa imbestigasyon, sinasabing inakala ni Fresado na iodized salt ang kanyang nailagay sa nilutong miki soup, subalit nang makakain na ang mga estudyante at guro ay nakaramdam na ang mga ito ng pagsusuka, pagkahilo at pananakit ng tiyan.

Sa inisyal na pagsisiyasat, nakakita ang mga imbestigador ng white crystalline substance na sinasabing oxalic, isang nakalalasong kemikal.

Nabatid na halos wala pang isang oras matapos na kumain ay nagsimula ng mangitim at manghina ang mga bata na karamihan ay mga kinder students.

Ang mga bata namang naiwan sa naturang paaralan ay isinugod na rin sa ospital ng kanilang mga guro matapos maalarma sa sabay-sabay na pagsusuka at pangingitim ng katawan at bibig ng mga ito.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply