2 Pinay na minaltrato sa Bali inayudahan na

UMAKSIYON na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa masaklap na sinapit ng dalawang turistang Pinay sa kamay ng tatlong immigration officers sa Bali, Indonesia matapos paghinalaan na mga drug trafficker.

Ito’y makaraang magpadala ng liham si Susan “Toots” Ople, pangulo ng Blas Ople Policy Center kay Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na humihiling na maipabatid sa embahada ng Indonesia ang masaklap na karanasan nina Chyng Reyes at kasamang nakilala lamang sa Dyan sa kamay ng immigration officers nang magtungo sila noong Mayo 26 sa naturang bansa.

Ayon kay Toots Ople, ipinabatid na sa kanya ni DFA Undersecretary Rafael Seguis na nag-utos na si Secretary del Rosario na gumawa ng kaukulang aksiyon kaugnay sa naturang insidente na naglagay sa dalawang Pinay sa matinding trauma at kahihiyan na naging dahilan upang isumpa na nila ang pagbabalik muli sa naturang bansa.

Napag-alaman na matagal ding pinag-ipunan ng dalawang Pinay ang pagliliwaliw nila sa Singapore at Indonesia upang doon ipagdiwang ang kanilang kaarawan subalit pagsapit sa naturang bansa ay pinigilan sila ng tatlong immigration officers nang makita sa kanilang pasaporte na sila’y mga Pilipina.

Bukod sa hinalughog ang kanilang mga bagahe sa paghahanap ng iligal na droga ay pinaghubad din ang dalawa saka pilit na inaalam kung mayroon silang nilunok na droga.

Nang tanungin umano ni Reyes kung bakit ginagawa sa kanila ang panggigipit at pagrerekisa sa kanilang mga gamit ay isinagot umano ng immigration officer na dahil kapwa sila magagandang dilag.

Sinabi ni Ople na bagama’t handa ang mga Pinay na maghain ng kaukulang kaso laban sa immigration officers, nais aniya nilang huwag nang malantad ang kanilang larawan at pagpiyestahan ang kanilang pribadong buhay.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply