2 tulak nalambat ng parak

NAHULOG ang isang hinihinalang “reyna” ng ipinagbabawal na gamot sa ikinasang lambat ng mga elemento ng Station Anti-Illegal Drugs Special Task Group (SAID-SOTG) sa ilalim ng pamumuno ni Chief Insp. Mihilan Payao noong Martes ng gabi sa C5 East Service Rd., Phase 2, Pinagsama Village, Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Sa inilatag na buy-bust operation nina SPO2 Ernesto Sanchez at PO2 Noel Antillion, Jr. ay nahagip ng batas ang suspek na nakilalang si Paula G. San Pedro, 25, at nakatira sa 10D San Pedro St., Barangay Ibayo Tipas ng nabanggit na lungsod.

Ang suspek ay agad pinosasan at binitbit ng mga awtoridad ng maaktuhan itong nagbebenta ng iligal na droga sa mga undercover agents sa pamamagitan ng marked money.

“Binusog namin sa pangaral ‘yan subalit winalang-halaga niya, huli na para magsisi siya,” anang nakatatandang kapatid ni Paula.

Nasamsam mula sa ikinulong na suspek ang mga ebidensiya na marked money at dalawang plastic sachets na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride.

Nahaharap ngayon si Paula sa kasong paglabag sa Section 5, Article 2 ng R.A. 9165.

Samantala, isa pang kilabot na drug pusher ang agad na dinakma at isinadlak sa rehas na bakal ng mga operatiba ng SAID-SOTG sa Everlasting St., Signal Village, Taguig City.

Sinabi nina PO3 Jowel Briones at PO3 Charito Castrence na hindi nakapalag ang suspek na nakilalang si Lahmodin B. Abas, alyas Atok, 27, ng posasan nila ito dahil sa pagtutulak ng droga sa mga awtoridad na nagpanggap na buyer.

Nakuha ng mga pulis mula kay Atok ang mga ebidensiya na marked money at dalawang plastic sachets na naglalaman ng shabu.

Nahaharap din ang ikinulong na suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article 2 ng R.A. 9165. PP Corpus

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply