3 kulong sa pagmamalupit sa aso

TATLO katao ang nakulong matapos mahuli sa aktong kinakaladkad ang dalawang aso gamit ang isang motorsiklo na ikinamatay ng isa sa mga hayop dahil nasakal sa pagkakahila ng leeg nito ng ilang metro sa Tacloban City.

Ang mga suspek na inaresto ng mga nagpapatrolyang pulis ng Tacloban Police sub-station 2 ay kinilalang sina Dionito Roa, 38, Roger Iglesias, 19, at kanyang 16 anyos na pinsan, pawang mga residente ng Barangay 31, Pampango District, Tacloban City.

Naaktuhan umano ng mga pulis ang tatlo dakong alas-2:00 ng medaling araw sa kahabaan ng Magsaysay Boulevard dahil na rin sa palahaw ng mga nasasaktang mga aso.

Ayon kay Senior Inspector Quintin Mazo, Jr., hepe ng Tacloban Police sub-station 2, itinali ng tatlong suspek ang dalawang aso sa motorsiklo gamit ang isang mahabang alambre na ipinulupot sa leeg ng mga ito saka pinasibad ang motorsikl at may intensyon na patayin ang naturang mga hayop.

Kinasuhan ang tatlo sa paglabag sa Animal Welfare Act subalit pinakawalan din ng hindi na maghabol ang mga may-ari ng aso na ang isa ay isang miyembro ng Coast Guard.

Ikinatuwa naman ni Dra. Eunice Alcantara,  city veterinarian officer, ang ginawang pagpapatupad ng mga pulis ng  Animal Welfare Code at sana aniya’y magsilbing aral ang pagkaka-aresto sa mga suspek sa mga sadistang mamamayan na walang awang manakit sa mga hayop. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply