3 lungsod sa Metro Manila lulubog

PINANGANGAMBAHANG lumubog sa tubig-baha ang tatlong lungsod sa Metro Manila at ilang lugar sa Rizal.

Kabilang sa posibleng maapektuhan ang Pasig City, Quezon City at Marikina City, pati na ang Antipolo, Cainta, San Mateo at Rodriguez sa Rizal.

Natuklasan na barado ng napakakapal na water lilies ang Marikina River nang mag-inspeksyon si Marikina City Vice Mayor Fabian Cadiz at mga kinatawan ng tinaguriang “Alliance of Seven,” na binubuo ng mga lungsod at bayan na pininsala ng bagyong “Ondoy.”

Ipinabatid ni Cadiz na sumikip ang ilang bahagi Marikina River at hindi nasunod ang ilan nilang rekomendasyon matapos ang Ondoy, gaya ng pagdami ng informal settlers, mga itinayong imprastraktura at basura sa ilog.

Umapela ang grupo sa Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) na kumilos na ngayon pa lamang upang mapigilan ang mas matinding pinsala sakaling bumaha.

Samantala, naadagdagan pa ang bilang ng mga lugar na apektado ng bagyong Falcon habang lumalapit ito sa kalupaan ng silangang Luzon.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1 ang Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Isabela, Cagayan, Calayan Group of Island, Babuyan Group of Island at Batanes Group of Island.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 250 kilometro sa hilagang silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong 80 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa pangkalahatang direksyon pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro kada oras.

Bukas ng umaga, ang bagyong Falcon ay inaasahang nasa 150 kilometro sa Silangan hilagang silangan ng Tuguegarao City, habang sa Sabado ay tinatayang nasa 170 kilometro sa hilaga hilagang kanluran ng Basco, Batanes, bago ito lalabas ng teritoryo ng ating bansa. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply