3-peat Blue Eagles kampeon sa Flying V Hanes

ANG INAASAHANG maatikabok at balikatang engkwentro ng dalawang champion teams ng collegiate league sa FilOil Flying V Hanes Preseason Premiere Cup ay nauwi sa nakababagot at nakaiinip na laro.

Ito ay kasunod ng pagrerehistro ng 3-peat champions na Ateneo Blue Eagles na 75-56 na unang korona laban sa NCAA counterpart na San Beda Lions, Linggo ng gabi.

Maagang nakuha ng Blue Eagles ni Coach Norman Black ang momentum sa pag-alagwa sa 21-4 sa unang quarter at pinanatili nila ang abante hanggang sa pagtatapos ng 40 minutong laro.

Ang tinanghal na Finals Most Valuable Player na si Reifer Ravena ay kaagad nagpasiklab sa kanyang 13 points, subalit ang 6’11” na si Greg Slaughter ang tinanghal na top scorer sa kanyang 14 points.

Maging ang mga regular players na sina Kirk Long, Nico Salva at Juani Tiongson ay nakapag-ambag din ng kabuuang 33 puntos.

Nasukbit ng Katipunan cagers ang P500,000 pampabuya sa Premiere Summer Tournament habang P200,000 naman ang naipabaon sa team ni Coach Frankie Lim.

Sa bakbakan sa third place, nagtulong-tulong sina Aldrech Ramos (19), Ryan Roose Garcia (13), at ang neophyte na si Terrence Romeo (10), sa pagpapabagsak sa Adamson Falcons, 65-57.

Sina Ravena, R.R. Garcia, Pippo Noundou ng FEU, Red Lion Garvo Lanete at Cardinal Yousef Taha ang bumubuo sa mythical 5 team. Bilang konsolasyon, nakuha ng San Beda Red Cubs ang panalo laban sa PH Youth Under 16 sa iskor na 79-70.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply