4 BI officers sibak sa human smuggling

APAT na ulo ang gumulong sa inilabas na imbestigasyon ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa pagpasok sa bansa ng dalawang Indian nationals na napatunayang peke ang ginamit na Philippine visas.

Sa impormasyong nakalap ng Remate Online, pansamantalang nasa “floating status” ang apat opisyal at miyembro ng BI-Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) matapos payagan na makapasok sa bansa sina Shinderpal Kaur at Jaspal noong Abril 21 mula sa Malaysia.

“Preventive suspension” ang ipinataw na kaparusahan ng lupong binuo ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. sa apat na miyembro ng TCEU.

Gayunpaman, tumanggi ang lupon na pangalanan ang apat na sinuspending empleyado, dahil hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang kanilang kaso.

Anila, napatunayan na nagkaroon ng ‘grave misconduct’ at ‘gross negligence ang apat na opisyal at miyembro ng TCEU na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nang papasukin sa bansa ang nasabing mga dayuhan na umano’y ipinasok sa Pilipinas ng sindikato ng human smuggling.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na isa sa apat na kasapi ng TCEU ay pitong buwan pa lamang sa airport, bagamat inako na nito ang kapasyahan na papasukin sa bansa ang dalawang dayuhan.

“Yun isa, aminado na wala siyang sapat na karanasan upang malaman kung peke o hindi ang ginamit na visa pero hindi niya ibinigay ang kapasyahan sa mas nakakataas sa kanya upang desisyunan kung dapat bang papasukin sa bansa ang mga nasabing dayuhan,” pahayag pa ng lupon.

Ayon pa sa impormasyon, agarang pagsibak sa puwesto ang nais umano ni David sa apat na kasapi ng TCEU subalit hindi nasunod dahil kailangan munang dumaan sa Civil Service Commission (CSC) ang ipinataw na kaparusahan sa mga nasangkot na opisyal at empleyado.

Hinggil naman sa pagkakasangkot sa isyu ng mga umano’y malalapit na tauhan ni Commissioner David, sinabi rin ng lupon na wala silang nakitang sapat na katibayan upang isama sa asunto ang mga ito.

Ayon pa sa isang miyembro ng lupon na tumangging magpakilala, insinuation lamang ang pagkakasangkot ng isang nangangalang Attorney Anthony Bautista dahil wala namang nakapagsabi sa mga inimbestigahang opisyal at miyembro ng TCEU na diumano’y tumawag si Bautista sa kanila.

Napag-alamang ipinag-utos umano ni Atty. Bautista sa mga taga-TCEU na papasukin sa bansa ang dalawang dayuhan. Taliwas sa naging utos ni Calingasan na nagsabing pabalikin sa Malaysia ang mga dayuhan at isailalim sa ‘exclusion proceedings.’

Dahil sa magkakasalunggat na mensahe, napilitan si David na magpalabas ng direktiba na nag-aatas sa lahat ng immigration officer sa mga pambansang paliparan na walang ipatutupad na ‘waiver of exclusion’ kahit na may awtorisadong kinatawan nito ang tumawag sa paliparan upang papasukin ang isang pasahero.

Dagdag pa ni David, dapat munang kumuha ng kompirmasyon mula sa kanya ang sinumang immigration officer upang mapatunayan na ang punong opisyal ng kawanihan ang nagbigay ng kautusan na papasukin ang isang pasahero.

Nag-ugat ang imbestigasyon sa ibinulgar ng pahayagang Remate Online at pahayagang Remate  hinggil sa umano’y lumalalang kaso ng human smuggling sa pambansang paliparan, partikular na ang pagpasok sa bansa ng dalawang Indian nationals, na naging dahilan upang magpalabas ng matinding direktiba si Comm. David.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply